Kim Chiu, ulirang anak, kapatid at artista!

0
art t

MABUHAY ANG MGA KABABAIHAN NG DAIGDIG!

SINUSULAT ang pitak nating ito, ika-8 ng Marso, 2025, at ito ang araw na ginugunita o ipinagdiriwang ang Araw ng Kababaihan sa buong daigdig. (Dati itong Araw ng mga Manggagawang Kababaihan, bilang pagkilala sa kanilang pakikipaglaban para sila ay makaboto pagdating ng halalan!).

Hindi na tayo maglilista ng mga bagay-bagay kung bakit dapat dinadakila ng ‘sandaigdigan ang kababaihan, dahil bukod na sa kanilang sinapupunan ang naging lunduyan kung kaya’t nagkaroon tayo ng mga Dr. Jose Rizal, Gat. Andres Bonifacio, Heneral Gregorio del Pilar, Juan Luna, Fernando Amorsolo, Nick Joaquin, Maestro Ryan Cayabyab, Senador Jose W. Diokno, Sen. Lorenzo Tañada, Sec. Jesse Robredo, Jose Pete Lacaba, Jaime Cardinal Sin, Lino Brocka, Ricardo Lee, Macliing Dulag, Ninoy at Noynoy Aquino, EJ Obiena, Carlos Yulo, at iba pang lalaki na lumikha ng kasaysayan sa larangan nilang ginalawan, na kung kaya’t ating tinatamasa ang bunga ng kanilang dunong at pagsisikhay para mag-ambag sa ikapapanuto ng ating lahi hanggang sa susunod pang mga lahi.

At dapat nating itanghal ang mga kabayanihang iniwan ng mga Gregoria de Jesus, Melchora ‘Tandang Sora’ Aquino, Gabriela Silang, Liliosa Hilao, Lorena Barros, Nelia Sancho, Maita Gomez, Cecile Reyes Guidote-Alvarez, tagapag-tatag ng Philippine Educational Theater Association (PETA), Lukrecia Kasilag, Gloria Diaz, Armida Siguion Reyna, Bibeth Orteza, Corazon Cujuangco-Aquino, Hidilyn Diaz at iba pang kahanay nila.

Dinadakila natin ang mga kababaihan dahil sa aminin man ito o hindi, madalas na nauungusan ng kababaihan ang kalalakihan kung pag-uusapan ang larangan sa Siyensiya, Pelikula, Palakasan, Pananaliksik, Akademya, Pananalapi, Negosyo at iba pang desiplina.

Partikular sa mga artista, nais nating bigyang pugay ang isang Kimberly Sue Yap Chiu o mas kilalang Kim Chiu sa pilikulang lokal. Ipinanganak siya sa Tacloban City at lumaki sa Cebu. At dahil sa trabaho ng tatay nillang detail man, nagpalipat-lipat sila ng tirahan, sa GenSan, sa Mindoro, tapos naghiwalay ang kaniyang mga magulang kaya silang mga anak ay lumaki sa piling ng kanilang lola sa Cebu.

At mula roon, namulat ang batang Kimberly sa kahirapan ng buhay at sa murang edad ay natuto siyang magsikap para lamang magkaroon ng pambili ng pagkain at baon sa eskwela ang kanyang mga nakababatang kapatid.

Taong 2006, nakapasok siya sa unang Teen Edition ng Pinoy Big Brother ng ABS-CBN. “Si direk Lauren Dyogi ang nakadiscover sa akin sa isang mall sa Cebu,” balik-tanaw ng Tsinita Princess.

At ika nga, kasaysayan na ang lahat matapos siyang tanghaling Big Winner ng PBB 2006 edition. At sa mga panayam kay Kim Chiu, ibinahagi niyang naging bread winner siya sa edad na 14 sa pamamagitan ng pagtitinda ng kung anu-anong bagay na pwedeng pagkakitaan, na siyang marahil naging daan para siya maging malapit sa kanyang mga kapatid at buong angkan.

Malayo na ang narating ng isang Kim Chiu dahil sa kasalukuyan ay kinilala siyang isa sa mga highest tax payer ng BIR sa Quezon City, kahelera sina Jose Mari Viceral-Perez, Dennis at Jennelyn Trillo (Ho), Miss Universe 2018 Catriona Gray, at iba pang showbiz personalities.

Sa kabila ng tinatamasang tagumpay ni Kim Chiu, marami ang nagpapatunay na nananatiling nakatapak sa lupa ang kanyang mga paa at bukas-palad siya sa pagtulong sa mga nangangailangan. Nagpapatunay ang kanyang mga co-hosts sa noontime variety show na It’s Showtime na hindi nakalilimot si Kim sa kanyang pinagmulan at hindi na siya kailangan pang obligahin dahil kusa siyang nagpaparating ng tulong.

Katunayan, merong ilang pamilya sa isang maliit na isla sa Look ng Maynila, sa Navotas City, ang regular na tinutulungan ni Kim. Ito ay patunay sa kanyang likas na kabaitan at mahusay na pakikipag-kapuwa.

At tunay mong hahangaan ang isa pang katangian ng aktres, host, singer, ang pagiging hands-on pagdating sa kanyang mga itinayong negosyo hindi lang para sa sarili kundi para rin sa kanyang buong pamilya, gaya ng kaniyang House of Bunnies, na meron nang branch sa Lungsod ng Pino.

At huwag ka, punung-puno si Kim Chiu ng mga product endorsements mula sa Chowking, to Julie’s Bakeshop, Hyundai, hanggang maging 2025 calendar girl ng Tanduay, at masasabing siya ang trending pagdating sa paramihan ng ini-endorsong produkto o maging serbisyo man ‘yan.

Kaya nga, tinagurian siyang “People’s Superstar”, katuwang si Paulo Avelino, ang kaniyang loveteam, na sa kasalukuyan ay nasa Los Angeles, California sila para dumalo sa 2024 Metro Manila International Film Festival. (Merong tsika na tunay namang pinagkaguluhan ng kanilang mga supporters ang power couple pagdating nila sa LA airport hanggang sa welcome dinner na in-organisa ng MMIFF.

Ibinahagi natin ang pahapyaw na kuwento hinggil sa pagkatao ng isang Kim Chiu, na kung bakit natin siya dapat na kilalanin bilang natatanging babae sa kanyang henerasyon.

*****

Yamang paksa natin ang kababaihan, binabati natin ang pamosong tagapag-tatag ng Waterplus Production, si Marynette Gamboa, dahil sa kanyang paglulunsad ng bagong girls group na tatawagin niyang Sexy Bodies Overload (?), na inilunsad ngayong Araw ng Kababaihan, sa Aberdeen Court, Quezon Avenue, Kyusi.

Matatandaang si Marynette ang huling nag-manage ng Baywalk Bodies (dating kay Lito de Guzman), nanagpasikat sa awiting Huwag D’yan (May Kiliti Ako D’yan) at marami pang nakakakilig na awiting talagang mapapasayaw ka oras na iyong marinig.

“Gusto kong buhayin ang legacy ng Baywalk Bodies,” untag ni Gamboa sa isang informal na tsikahan sa kanilang tahanan sa Kyusi. At heto na nga ang katuparan ng kanyang mga pahayag at tiyak na katuwang niya ang partner niyang si Direk Efren Reyes Jr. para –imanage ang all sexy girls na hindi lang pagkanta at pagsayaw ang ipapakita kungdi maging sa pag-arte rin sa harap ng malaking telon.

At gaya ng dapat asahan, napuno ng mga taga-media (lalo na ang mga bloggers), ang function hall ng Aberdeen Court, at  malimbukay ang mga tanungan kung mahihigitan ba ang kasikatan ng bagong tatag na Baywalk Bodies ang orihinal na all-sexy dancing ang singing ladies? (At meron pang gustong mang-intriga na malaswa ang dating kaya in-edit out na po natin.)

Binabati natin si Marynette Gamboa sampu ng Waterplus Productions, para sa kanilang bagong dagdag na personalidad na mga kakikiligang dilag sa kalipunan ng lokal na libangan.

Speaking of Direk Efren Jr., hindi man naging blockbuster sa takilya ang kanyang directorial comeback project, “Idol” (The April Boy Regino Story), naipakita niya naman ang kanyang potential bilang underrated director, at least marami ang natutuwang (kasama tayo) makita siyang isa sa mga casts ng “FPJ’s Batang Quiapo” na handog ng CCM Films at Dreamscape ng ABS-CBN. Siya ang pumalit sa iniwang karakter ni General Pacheco na ginampanan ni Julio Diaz. At nakaka-intriga ang kanyang eksena nang banggitin niyang ‘patay na ang isang Ramon Montenegro…’ na ayon sa utos ng Mayor ng Maynila na ginampanan naman ni Albert Martinez.

Talagang hitik na naman sa maaksiyon na mga tagpo ang “FPJ’s Batang Quiapo” dahil sa mga bagong karakter para sa ikatlong yugto ng na tampok din sina: Chanda Romero (Manila Vice Mayor), Michael de Mesa, Shamaine Buencamino, Albie Casiño, Jake Cuenca, Andrea Brillantes at marami pang iba.

Ano pa’t lalong magiging maigting ang mga eksena sa nasabing serye bukod pa sa sariling mga moments ng mag-amang Rigor, (John Estrada) at David, (Macoy de Leon) na pinag-paplanuhan kung paano bubuweltahan si Tanggol at Ramon. At siyempre, hindi dapat kaligtaan ang sariling diga ng mga karakter nina Roda (Direk Joel Lamangan), Tindeng (Charo Santos), at dapat nating abangan ang susunod na pangyayari dahil nasa mansion na ng mga Montenegro ang tunay na anak ni Ramon (Christopher de Leon). Ito ang inaabangang reunion ng mag-ama at mag-lolo na Montenegro ( na episode sa darating na Lunes, Marso 10, 2025.

*****

Nabanggit din lang ang reunion, sa ganitong panahon na malapit na ang summer months (Marso hanggang Mayo) ay kabi-kabila ang mga reunion ng mga pami-pamilya, mga angkan at mga magkaka-klase.

Sa Marso 17-18, 2025, idaraos ang mini-reunion ng mga magka-kaklase sa Manila High School Dekada ’70. Isa po tayo sa mga alumni sa nasabing paaralan na matatagpuan sa loob ng mga guhong-pader ng Intramuros, Maynila.

Salamat sa palagiang nagtataguyod sa ganitong reunion sa pangunguna ni Engineer Emmanuel ‘Noel” Moya at misis niyang si Edna (mini-reunion last Nov. 30 to December 1, 2024).

Para sa mini-reunion ngayong Marso, na gaganapin sa Current Hot Spring Resort, Block 11, Lot 12, Indigo Bay Subd., Bagong Kalsada, Calamba, Laguna, ay sila naman ang ‘sumagot’ sampu ng mga ka-klaseng naka-base sa abroad kabilang sina Bettina del Rosario Abejero, Mary Tiu Masajo, Isagani and Lucy Barraquiel and Family, Mateza Ilagan Columna, Mr. & Mrs. Edgardo-Digna Sarmiento. Ang lahat ng mga dadalo ay magdadala ng kani-kanilang ambag na pagkain.

Kaya masasabing lahat ng mga dadalo ay magiging sponsor sa nasabing mini-reunion ng Manila High School Dekada ’70.

Let’s enjoy the fun at samantalahin natin habang nakakahakbang pa ang ating dalawang paa, sans wheelchair at walker, at kaya pang mag-zumba-zumba!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *