MAY PAG-ASA PA BA ANG 50K GL GALING PCSO?

HINDI naman po sa nangungulit kami, pero gusto lang namin iparating sa pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa pamamagitan ng tanggapan ni Honorable Director Imelda Arcilla Papin, ang nabinbing Guarantee Letter (GL)_ na ipinangako ng tanggapan ni Director Papin, anim na buwan na ang nakalilipas.
Hindi po kami nagko-conclude kaya nagtatanong po kami kung sinadya ba o nagkataon lang na nakaligtaan ng staff ni Director Imelda Papin, para i-follow up sa tanggapan ni General Manager Robles, ang nasabing GL para ipadala ang kaukulang halaga sa Pangasinan Doctors Hospital, at meron ding ginawang Acceptance Letter ang pamunuan ng nasabing hospital na nilagdaan ni Mita B. Brown, M.D., ang medical director.
September 24, 2024, nag-follow-up ang isang tatay kay Ms. Abie Rebenito, ang humahawak sa ganitong concern sa opisina ni Director Papin, para kumustahin ang nasabing guarantee letter na karaniwang ipinagkakaloob ng PCSO para sa mga bibigyan nila ng ayuda o financial assistance na sa pamamagitan nito ay mababawasan ang pasanin ng mga mabibiyayaang pasyente.
Ayon sa tatay ng pasyenteng si Diane Mikaela, nakuha nila ang GL Oktubre 18, 2024 na in-approve September 23, 2024, na nilagdaan ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles.
Nadala sa Pangasinan Doctors Hospital ang GL October 20, 2024, at sinusulat ito, hindi na po dumating ang nasabing GL, na sana nakabawas sa kabuuang hospital bill ng pamilya ni Diane Mikaela Rosario.
Heto ngayon ang aming katanungan?
Since, hindi nakarating ang laman ng nasabing Guarantee Letter na nagkakahalaga ng P50,000.00 sa Pangasinan Doctors Hospital, para pandagdag sa bayarin ng pasyenteng si Diane Mikaela Rosario, saan mapupunta ‘yung GL na iyon?
At dahil hindi nga nakarating sa tamang oras o petsa ang nasabing GL, ang pobreng pamilya ng pasyente ay tiyak na gagawa ng paraan at maghahagilap ng pera para lamang malutas ang kanilang problema sukdang magsangla ng anumang ari-arian ang pamilya.
Ang umaasang pamilyang kapos sa pinansiyal na kapasidad ay dumudulog sa PCSO, para sila’y maambunan ng tulong, na kung susumahin natin, ang tulong na ito ay nagmula rin sa mga indibidwal nating kababayan sa pamamagitan ng pagtaya sa kanilang inaalagaang kumbinasyong numero at hindi nila alintana ang mahabang pila sa mga Lotto outlets, sa pag-asam na baka sila naman ang suwertehing tumama ng jackpot sa susunod na pag-bola o kahit manlang balik-taya.
Sa kaso ng pasyenteng si Diane Mikaela Rosario, tinatanong natin kung nagpabaya ba ang hospital o ang ilang staff ni Director Imelda A. Papin, para mag-follow up kung naipadala na ang laman ng GL sa Pangasinan Doctors Hospital, o sino ba ang merong pananagutan sa nasabing palpak na pag-deliver ng pagtulong sa mga nangangailangan mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office?
Muli, meron po bang pag-asang makuha pa ang nasabing Guarantee Letter na nagkakahalaga ng P50,000.00?
Tinatawagan po namin ang tanggapan ni Honorable Director Imelda Arcilla Papin kung maaaring sagutin ang katanungan. Salamat po.