STA. MARIA-CABAGAN BRIDGE BUMIGAY, PALAKPAK SA MUKHA NG MGA NAGKASALA

HINDI maniniwala ang taumbayan na walang kumita sa pagkakagawa ng Sta. Maria-Cabagan Bridge, Isabela, na hindi pa nga umabot ng isang taong ginagamit ay bumagsak na!
Si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr., na mismo ang nagsabi nang magtungo siyang personal sa pinangyarihan ng pagbagsak ng tulay, nakita nya kung gaanong kaliliit ang ginamit na mga bakal na steel bars.
Sabi niya, ang pagkakaalam niya ang mga ganitong klaseng tulay ang ginagamit ay dapat kable na tinatawag na suspension bridge.
Ang orihinal daw na budget ng tulay ay P1.8 Billion, subalit ay naging P1.2 Billion na lang. Sa madaling sabi ay tinipid ang pagkakagawa nito.
Kasama ni PBBM na nagtungo sa Sta. Maria-Cabagan Bridge ay si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, at marami ang nagtatanong kung sinu-sino sa mga taga-DPWH ang sisibakin ng Pangulo?
Hindi pwedeng walang managot sa kapalpakang ito, buhay ng mga Pilipino ang nakasalalay rito.
Gusto ata ng mga ito na igaya ang paggawa ng tulay sa mga paglalagay ng aspalto sa mga kalsada na wala pang isang taon ang nakalilipas ay nababakbak na, lalo na kapag madalas ang pag-ulan sa mga lugar na may aspalto.
Sa paglalagay ng mga aspalto sa mga kalsada ay hindi masyadong malaking problema dahil hindi babagsak ang mga sasakyan dito, hindi katulad ng tulay kapag mahina ang pagkakagawa nito ay babagsak at posibleng magdulot ng malagim na aksidente.
Buti na lang walang nadamay na buhay sa pagbagsak ng Sta. Maria-Cabagan Bridge na sakay ng mga sasakyang nadamay sa pagbigay ng tulay.
Paano kaya kung nagkataon na pinasinayaan nina PBBM at DPWH Sec. Bonoan ang tulay na ito at saka bumagsak? Ano kaya ang magiging reaksyon nila?
Parang may ganitong pangyayari sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino na nag-inspeksyon sila sa isang tulay na kahoy na nagkataong bumigay at sabay-sabay silang bumagsak sa tubig.
Hindi mapapasinungalingan na ampaw ang pagkakagawa ng tulay sa Sta-Maria-Cagaban dahil wala pa ngang isang buwan na ginagamit, matapos na buksan ito noong Pebrero 1 ay bumagsak na noong Pebrero 27, 2025.
Ang daming mga tulay na dekada-dekada nang ginawa hanggang ngayon ay nagagamit pa rin nga mga motorista, tulad yang San Juanico Bridge sa Tacloban, Leyte ay nananatiling nakatayo at hindi bumabagsak.
Nito lang naman may mga report na ganyan na hindi pa man umaabot ng taon ay bumabagsak na at iisa lang ibig sabihin niyan, matindi na talaga ang korapsyon ngayon sa mga proyekto.
Sinabi ni dating Congresswoman Sarah Elago na ang naki-kickback ng mga politiko sa mga proyekto ay 30% sa kabuuang budget nito, kaya hindi nakapagtataka na mayroon ngang magbabagsakang mga tulay.
Kung si politiko kumuha ng 30%, si contractor 20% at si DPWH kumuha ng 10% sa budget ng proyekto, sa kabuuan ang mawawala ay 60%! Tiyak ngang babagsak nga ang tulay!
Alam na natin kung bakit bumigay ang Sta. Maria-Cabagan Bridge, kaya dapat ang mga nagkamal ng salapi ay bigyan din ng tig-iisang palakpak sa mukha nila ng mga Pilipino na nasa mahigit 100 milyong populasyon na ngayon, na siyang nagbabayad sa pamamagitan ng buwis, sa budget na ni-loan para sa mga pagawaing-bayan. Tignan natin kung ano ang magiging itsura ng kanilang mga pagmumukha.