EDSA BUS LANE TULOY ANG REHAB AYON SA DPWH
Share muna kayo sa traffic lane…
INAASAHAN na ang muling pagsisikip ng trapiko sa dati nang masikip na EDSA, dahil sa nakaambang rehabilitation ng EDSA bus way.
Ayon sa pamunuan ng DPWH, habang isinasagawa ang rehabilitasyon ay magkakaroon pa rin ng lugar sa EDSA ang mga bus. Pansamantala muna itong makikihati ng lane sa mga pribadong sasakyan. “Share muna ng lane sa mga private vehicles, habang ang mga city bus ay magkakaroon pa rin ng lugar sa EDSA sa planong rehabilitasyon ng major thoroughfare ngayong Marso. Kailangan muna nilang makibahagi ng lane sa mga pribadong sasakyan pansamantala”, ayon sa anunsiyo ng nasabing ahensiya (DPWH).
Binanggit din ni DPWH National Capital Region Director Loreta Malaluan, na magsisimula ang kabuuang overhaul ng EDSA sa innermost lane o ang lane na eksklusibong binabagtas ng mga commuter bus.
Ang unang segment na aayusin ay ang northbound ng EDSA mula Quezon City at Caloocan boundary, hanggang Monumento na susundan ng 15-segment sa kahabaan ng southbound lane. Tiniyak namn ni Malaluan na magpapatuloy ang operasyon ng EDSA bus carousel at ililipat lang ito sa susunod na lane, na hindi na eksklusibo sa mga bus.
Ang major road-rehab ay nakikitang tatagal ng isang taon at kalahati. Hinihintay na lamang ng DPWH ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsumite ng traffic management plan bago simulan ang mga road works.
Ang nasabing rehabilitasyon ng natitirang bahagi ng EDSA northbound lane ay hindi pa napopondohan.
Ayon pa kay Malalauan, sisikapin ng DPWH na makakuha ng pondo para sa ilalim ng kanilang 2026 budget.
(Jovan Casidsid)