NA-‘SCAM’ BA ANG AYUDA GALING PCSO?!

mrr

TOTOO kayang tumutulong sa lahat ng mga nangangailangan ang ahensiya ng pamahalaan, ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), partikular na ‘yung mga nasa laylayan ng ating lipunan?

Maraming mga kuwento ang narinig natin galing mismo sa mga pamilyang nakatanggap na ng tulong mula sa nasabing institusyon, na hindi man kabuuan ng halagang kailangan nila ang naibigay, malaking tulong na rin o malaking kabawasan sa kabuuan ng kanilang hospital bills.

Ang tulong na nagmumula sa PCSO ay ipinadadaan sa Guarantee Letter (GL) na siya ring kalakaran sa mga tanggapan ng mga Konggresista at Senadores.

Ang tulong galing sa PCSO ay nagmumula sa mga mamamayan na tumataya o naghahanap ng suwerte sa pagtaya sa Lotto. At ang tulong galing sa mga politiko ay nagmula naman sa buwis ng mamamayan.

Pero iba ang naging karanasan ng pamilya ng pasyenteng si Diane Mikaela Rosario, bagong panganak na sumailalim sa incubation, na humingi rin ng tulong sa PCSO, sa pamamagitan ng tanggapan ni Director Imelda Arcilla Papin, ilang buwan na ang nakararaan.

Matapos ang maraming ulit na pagpa-follow-up sa tanggapan ni Director Papin, nakuha rin ang GL na nagkakahalaga ng P50,000.00, na agad namang ipinadala ng tatay ng pasyente sa Pangasinan Doctors Hospital, at in-acknowledge naman sa pamamagitan ni Mila B. Brown, M.D., medical director.

Lumipas ang anim na buwan, walangdumating na tseke, katumbas ng GL, na pirmado ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles, sa nasabing hospital, kaya gumawa ng paraan ang pamilya ng pasyente para mapunan ang kakulangan na P50,000.00, sukdang magsanla ng mahalaga nilang ari-arian.

Dahil sa pangyayaring iyon, hindi maiwasang magtanong ang hindi nakatanggap ng kaukulang GL, sa kabilang ito’y napondohan na at pirmado pa ng General Manager, kung saan napupunta ang nasabing halaga?

Isa pa ring tanong, kung kanino ba ang kapabayaan o pagkukulang, kung kaya’t hindi nakarating ang halaga ng GL na ibinigay ng PCSO sa pamilya ng pasyenteng si Diane Mikaela?

Ito ba’y pagkukulang ng staff ni Director Papin na si Ms. Abie Rebenito, na nagpabaya siyang mag-follow up sa tanggapan ni GM Robles, bago matapos ang isang buwan, para sa pagpapadala ng naturang tsekeng nagkakahalaga ng P50,000.00, o sadyang kinaligtaan nitong hindi maipadala?

Meron bang personal na rason ang tanggapan ni Director Imelda A. Papin kung bakit hindi nag-materialize ang nasabing P50,000.00 Guarantee Letter?

At saan naman mapupunta ang nasabing halaga kung hindi naman nakarating sa kinauukulang benepisyaryo ang nasabing Guarantee Letter? Pwede bang isipin na merong “SCAM” o “SINDIKATO” na umiiral sa nasabing institusyon ng pamahalaan?

Nagtatanong lang po kami sa mga kinauukulan.

At bukas po ang aming mga pahina para ipahayag ang inyong panig para sa ikalilinaw ng aming inihaing usapin.

At hanggang ngayon po ay hinihintay pa rin namin ang pagdating ng halagang P50,000.00 gaya ng nakasaad sa Guarantee Letter na pirmado ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles.