alberto

OO NA NGA ‘DI’BA! Inaresto na nga si dating Pangulong Duterte, siya ay nasa The Hague, Netherlands na, at doon ay pansamantalang naka-piit habang naghihintay ng paglilitis. Ang isyu ni Duterte ay nasa proseso na’t bahagi ng nakaraan na maaaring umukit ng kasaysayan; at ang tanging hinihintay na lamang ay ang magiging resulta ng kaniyang kaso sa International Criminal Court (ICC), na may kaugnayan sa mga extra-judicial killings (EJK), na aminadong ipinag-utos niya sa gitna ng kaniyang pamumuno’t administrasyon. OO NA – hintayin na lang natin kung ano man ang mangyayaring kasunod makalipas ang anim na buwan.

PERO HINDI DAPAT ‘YAN ANG MAS PINAG-UUSAPAN, KUNDI KUNG PAANONG ANG PAPARATING NA ELEKSYON ANG MAGIGING SUSI SA PAG-ABOT NG BANSANG MAY HUSTISYA, PAG-UNLAD, AT PAGKA-MAKATAO. Ang Halalan 2025, at ang mga TRAPO’t Senatorial Budols na nangunguna sa survey, ngayon natin pag-usapan.

Bong Go, dalawang Tulfo, Budots Revilla, Willie ‘next Erap’ Revillame, Camille ‘TRAPO’ Villar, Bato, na ang tigas ng mukha – mga pangalang nangunguna sa survey. Mga pangalang sa kabila ng kanilang mga malinaw na kakulangan at kalabisan ay tila ba nagayuma na ang mayorya ng sambayanang Pilipino. Bong Go, ang executive assistant to the President – ang dakilang alalay. Ano ba ang nagawa ni Bong Go noong siya’y naging Senador maliban sa kaniyang pagiging parang loro ni dating Pangulong Duterte? Ang postponement ng SK Elections? O ang paggawa ng Malasakit Center Act, na ginagamit nila mismo upang magmanipula at bumili ng boto sa legal na pamamaraan? MALASAKIT Act na ginagamit ng mga elective officials upang magkunwaring sila ang nagbibigay ng tulong sa mga kapos-palad nating mga kababayan – lalong-lalo na sa pagbibigay ng mga guarantee letters at recommendation letters na dapat sana’y direkta nang kukunin sa mga ahensiyang itinalaga para rito.

Dalawang Tulfo, produkto ng social media at ng summary execution. Mga taong hindi inirerespeto ang batas, lalong-lalo na ang mga procedural laws – bagay na kitang-kita sa kung paano sila namamahiya, at magdesisyon sa pagkakasala ng mga ordinaryong mamamayan.

Ano na lang ang mangyayari sa Senado sa bawat sesyon nito kapag nagsama ang kapal ng mukha ni Cynthia Villar, utak pulbura ni Bato, at kawalan ng respeto sa batas ng Tulfo Brothers? Ano na ang mangyayari sa mga batas na isusumite’t mapipirmahan ng pangulo – utak pulburang batas, mapang-abusong batas, at hindi makamasang batas?

Budots Revilla, ikaw na naman. Tatakbo ka na naman at mukhang mananalo ka ulit kahit na wala kang ilalatag na plataporma’t programa para sa mga mamamayang Pilipino – aba, ikaw ata ang idol ni Kuya Wil.

Ano ba ang naging ambag mo sa paggawa ng batas na talagang napakinabangan ng mamamayang Pilipino? Para kasing wala, at ang tanging naaalala lamang sa’yo ay ang iyong pagsayaw, mga pelikulang ikaw ang bida, at siyempre ang iyong napakagaling na pagmaniobra ng batas upang sa dikit na boto’y mapawalang-sala ka sa kaso mong graft and corruption – ‘yung sa pork-barrel scam. Hindi ko rin maintindihan kung bakit nananalo ka pa, ito siguro talaga ang isa sa masasamang epekto ng demokrasya sa kamay ng mga ganid at sakim na mga namumuno.

Ikaw ulit, Kuya Wil – ang taong tumatakbo na ngayon sa pulitika dahil wala nang nanonood ng kaniyang korning programa at umuupa sa kaniyang condominium building. Hanggang ngayon wala ka pa ring planong inilalatag sa publiko, dinadaan mo pa rin kami sa “mind games” mong hindi mo naman yata pinag-isipan. Kuya Wil, ipapaalala ko lang, hindi “bigyan ng jacket!” at “bigyan ng P 5,000” sa Senado.

Sa Senado po’y ang trabaho mo’y hindi magbigay ng saya at libangan para sa mga mamamayang Pilipinong magtitiwala sa ’yo, kundi ang paggawa ng batas na para sa mga mamamayang umaasang mapabilang sa mga mabibigyan ng oportunidad, pagkakataong umangat, at pagkakataong mapabilang sa pag-unlad na animo’y mayayaman lamang ang nakikinabang. Hindi porket nanalo si Bong nang pasayaw-sayaw lang at walang inilalatag na kahit anobg plataporma, ay tama nang gayahin mo siya sa kaniyang kawalang-hiyaan at harapang pananarantado sa publiko. Mag-isip ka, kuya Wil – kung ang plano mo’y gawing charity ang Senado, huwag ka nang tumakbo. Mamigay ka na lang ng pera sa programa mong wala nang nanonood.

Camille Villar, magandang araw po! Ikaw na naman, ano? Hindi ko rin alam, ewan ko ba kung bakit nandiyan ka pa rin sa itaas ng mga kandidatong may malaking tsansang manalo sa darating na halalan. Talagang epektibo ang pagiging trapo mo, mahusay ka sa paggamit ng iyong pagiging produkto ng nepotismo. Camille, ang taong walang nagawang maayos na batas para sa mamamayang Pilipino. Camille Villar, isang pulitikong puro pangako ng mga bagay na sigurado namang mapapako. Camille, miyembro ng isang mapang-abusong oligarkiya na pati ang gobyerno’y binabalak pang gawing parte ng kanilang oligarkiya’t monopolyo. Si Camille Villar ay isang TRAPOng hindi dapat maupo sapagkat lalo lamang masasadlak sa dusa ang bansa’t mamamayan. Ang mga nagawa ni Duterte’y parte ng nakaraan, bagay na itinatama ngayon sa patas na korte sa The Hague – ang Internatio-nal Criminal Court. Huwag ibigay ang lahat ng aten-syon dito, dahil sa Setyem-bre pa naman talaga ‘yan dapat pinag-uusapan. Ang dapat mas binibigyan ng panahon ay kung paano mapababagsak ang mga politikong mang-aabuso sa kapangyarihan – dahil ang magiging resulta ng papa-rating na halalan ay ang magdidikta sa kapalaran ng Pilipinas at ng maraming Pilipino. Sana’y inyong pag-isipan.

“BUHAY, KABUHAYAN, AT KALAYAAN ANG NAKATA-YA SA BAWAT BOTONG ITINATALA SA BALOTA. HINDI KO KAYO SASABI-HAN KUNG SINO ANG DAPAT NINYONG IBOTO, PERO KUNG MAHAL NINYO ANG PILIPINAS AT ANG INYONG MGA ANAK AT APO, ANG MGA TULAD NILA CAMILLE AT BONG AY HUWAG IBOTO”