Sa pahayag na most corrupt agencies ang DA, NFA: OMBUDSMAN SAMUEL MARTIRES, LABAN O BAWI?!
BINAWI o biglang kambyo, si Ombudsman Samuel Martires, sa nauna nitong pahayag na umano’y most corrupt agencies ang Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA).
Sa isang ulat ng The Daily Tribune, sinasabing nagbitaw ng mabigat na paratang si Martires sa umano’y talamak na korapsyon sa naturang mga sangay ng gobyerno. Tinukoy ni Martires ang malawak na kultura ng panunuhol at matiwaling kalakaran sa burukrasya.
Ikinalungkot ng anti-graft chief na ang katiwalian ay naging napakatindi na, at ang mga empleyado ng gobyerno na tumangging makisali sa matiwaling aktibidad ay nahaharap sa nakalulungkot na kahihinatnan.
Nang tanungin kung aling ahensiya ng pamahalaan ang pinaka-tiwali, binanggit ni Martires ang DA at ang NFA, na may matagal nang kasaysayan ng mga iregularidad.
Kung magugunita, inimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang nabunyag na pagbebenta ng NFA ng tone-toneladang bufferstock na bigas sa ilang mga local rice traders sa paluging halaga. Gayundin, ang nangyaring kakulangan at price manipulation ng sibuyas.
Gayunpaman, sa sumunod na development, dumistansiya si Martires sa mga ulat sa media na tumutukoy sa DA, partikular ang attatched agency nito na NFA, ang tinukoy niyang pinaka-tiwaling ahensiya ng gobyerno. Nilinaw nito na ang kanyang pahayag ay hindi naintindihan at mali ang pagkaka-ulat.
“In fairness sa bagong liderato ng Department of Agriculture, simula nang maimbestigahan ang isyu ng smuggling sa bigas at sibuyas, ay pinalakas ni Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., ang Inspectorate and Enforcement Division ng DA.
“Batay sa mga lumabas sa balita, nakasabat na sila ng apat na kaso ng agricultural smuggling sa Subic,” paliwanag ni Martires sa panayam ng DZRH.
Kinilala rin ni Martires ang masigasig na pakikipagtulungan ni Secretary Tiu Laurel, Jr., sa mga ginagawang imbestigasyon nito sa ilang ahensiya, at madalas na nagbibigay ng paunang report ang kanyang tanggapan. “In fairness sa kanila (DA at NFA), hindi ko sinasabing sila ang pinaka-tiwali, hindi. Kapag pinag-usapan ang tungkol sa pinakatiwaling ahensiya ng gobyerno, kailangang ikunsidera ang mga tanggapan na nasa labas ng Quezon Memorial Circle,” aniya pa.
Mistulang nabunutan naman ng tinik si Agriculture Secretary Tiu Laurel, Jr., na tinanggap ng mga kinauukulan ang paglilinaw ng Ombudsman.
“Kumpiyansa kong masasabi na simula manungkulan ako, hindi kami tumigil sa pagtatrabaho para linisin ang ating hanay. Nakikipagtulungan kami sa Ombudsman–at mapapatunayan ito sa mga ginagawang imbestigasyon sa umano’y mga katiwalian sa DA,” dagdag pa ni Secretary Tiu Laurel, Jr.
Sinabi ng DA Chief, na malinaw ang kaniyang layunin sa simula nang kanyang panunungkulan noong November 2023.
Partikular dito, ang kaniyang desisyon na ipatupad ang preventive suspension noong 2024 laban sa 139 NFA officials at mga empleyado, na umano’y sangkot sa illegal na pagbebenta ng reserbang bigas. Ginawa ang hakbang na ito sa kabila ng panganib na madiskaril ang operasyon at potensiyal na peligro sa seguridad sa pagkain.
Karamihan sa mga sinuspindeng empleyado ng NFA ay nakabalik din sa trabaho kalaunan, subalit ilang senior officials naman ang napalitan.
Hinirang ni Secretary Tiu Laurel, Jr. si Larry Lacson bilang bagong pinuno ng NFA noong March 2024. Bilang Chairman ng NFA Council, pinasimulan nito ang pag-overhaul sa panloob na proseso at nabawasan ang mga peligro sa korapsiyon.
Dagdag pa ni Tiu Laurel, Jr., sa ilalim ng kanyang liderato, pinalakas ng DA ang kakayahan ng Inspectorate and Enforcement Unit, na nagresulta sa pagkahuli ng bilyun-bilyong pisong halaga ng puslit na mga produkto kabilang na ang bigas, karne, isda at mga gulay.
Epektibong naprotektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa hindi patas na takbo ng kalakalan at nabantayan ang publiko laban sa potensiyal na panganib sa kalusugan.
Ang IE unit din ang nagrerekomenda para i-blacklist ang ilang importers at tumutulong na magsampa ng legal na reklamo laban sa mga ito.
Kamakailan, dahil sa pagiging mapagbantay ng Bureau of Plant Industry (BPI) ay nagresulta sa pagkakumpiska ng ilang containers ng frozen mackerel, ito’y bilang bahagi ng pagsisikap ng ahensiya na maprotektahan ang kaligtasan sa pagkain.
“Nailagay na natin sa blalcklist ang halos isang dosenang walang konsensiyang mga importer at nasampahan na ng kaukulang kaso sa iba’t ibang korte. Hindi kami titigil laban sa sinomang magtatangkang pahinain ang batas,” dagdag nito kasabay ang pagdidiin na patuloy na lalabanan ang katiwalian.
Ipinagmalaki rin ni Secretary Tiu Laurel, Jr., ang umiiral na polisiya sa reporma sa DA na may layuning mapigilan ang katiwalian at smuggling. Sinimulan nito ang mga pagbabago sa panuntunan sa Minimum Access Volume sa karne ng baboy upang mapatatag ang presyo nito, habang sinuspinde ang pag-angkat ng galunggong sa ilalim ng Fisheries Administrative Order 195, sa layuning mapigilan ang diversion ng isda para sa institutional buyers patungo sa mga pampublikong pamilihan.
Maging ang muling binuhay na Regional Agricultural and Fishery Council, na pinangunahan ngayon ni dating Agriculture Undersecretary Ernesto Ordoñez , ay aktibong tumutulong upang pangasiwaan ang DA procurement processes at implementasyon ng proyekto para lalong mapalakas ang pananagutan sa loob at labas ng ahensiya.
(Jojo Romero)