SOBRANG POLITIKA MAY EPEKTO SA EKONOMIYA?

KAPANSIN-PANSIN na walang nagagawa ang kasalukuyang administrasyon sa mataas na presyo ng mga bilihin.

Tulad na lamang sa presyo ng karneng baboy na umaabot pa ng mahigit sa P400 kada kilo, isdang galunggong na mahigit P300 na rin ang kada kilo, bigas na hanggang ngayon ay wala pa ring nabibiling murang bigas, mga produkttong petrolyo na bumaba minsan pero pag tumaas mas malaki pa ang dagdag kada litro.

Maging ang mga ordinaryong sangkap sa pagluluto na tulad ng luya, sibuyas, bawang atiba pa, ay hindi rin makontrol ng gobyerno ang pagtaas.

Sabi nga, mas inuuna ng kasalukuyang administrasyon ang pulitika, tulad ang pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, matapos na maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) kamakailan.

Ang pag-aresto kay Duterte ay maaari pa itong pagmulan ng kahirapan ng bansa dahil posible itong magdulot ng kaguluhan sa sandaling umalma ang mga taga-suporta ng dating pangulo.

Sa katunayan, mula nang maaresto si Pangulong Duterte nu’ng Marso ll, 2025, ay nagsimula na rin ang mga rali sa ibat-ibang lugar sa bansa kasama sa Metro Manila.

Dahil sa posibleng magiging kaguluhan sa bansa, ay nagdeklara ang pulisya ng heightened alert sa buong kapuluan.

Nalagay na naman sa international news ang naging pag-aresto kay dating Pangulong Duterte na magiging dahilan upang mag-alangan na mamuhunan ang mga dayuhan sa Pilipinas.

Bukod sa posibleng pag-atras ng dayuhang mamumuhunan ay hindi na rin natututukan ang mga problemang kagyat ng bansa.

Kaya naman ang mga negosyante ay nagpapasasa sa pagtatakda ng presyo ng kanilang mga produkto na tulad ng karneng baboy na imbes na P380 per kilo sa liempo, P350 per kilo sa kasim at pigue, base sa itinakda ng Department of Agriculture (DA) ay lumalagpas pa ito sa mahigit P400 ang kada kilo.

Imbes na nakatutok sa mga mapagsamantalang negosyante ang mga awtoridad ang kanilang binabantayan ngayon ay ang posibleng kaguluhan na dulot ng pag-aresto kay Duterte.

Nasaan na ang ipinangako ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., nu’ng siya nangangampanya na “SAMA-SAMA TAYONG BABANGON MULI?”

RoadNews Arangkada Sa Balita EDITORYAL