Lovi Poe, nag-walk out sa set ng “Lakambini Gregoria de Jesus”

boy v

MAGKAKASUNDO na ba sina Lovi Poe at ang pinagsanib na puwersa ng direksyon nina Jeffrey Jeturian at Ellen Ongkeko-Marfil?

Ito ay sa kabila ng hindi makakalimutang kaganapan sa likod at harap ng kamera nang gawin ng aktres ang pelikulang “Lakambini Gregoria de Jesus” na produksyon ng Pelikulove ni Ongkeko-Marfil.

Bagamat naganap ang insidente ilang taon na ang nakakaraan, hindi pa rin sigurado si Ellen kung okey na sa kanilang dalawa ni Jeffrey si Lovi.

Heto ang buong kuwento:

Shooting noon ng “Lakambini Gregoria de Jesus” at eksena ng inisasyon ni Gregoria bilang kasapi ng Katipunan na ginagampanan ni Poe.

Ayon kay Ellen, bumibigkas na noon ang aktres ng kanyang mga linya.

“Mahahaba ang dialogue sa dalisay na Filipino na talagang linya ni Gregoria mula sa aming pananaliksik,” kuwento ni Ongkeko-Marfil.

“Pero she kept missing her lines,” sabi pa ng direktora.

“Hanggang sa kalagitnaan ng shooting, nag-walk out si Lovi;” pagbabakas ni Ellen sa nakaraan.

Ayon kay Ongkeko-Marfil, si Jeffrey ang direktor noon at siya naman, kahit na katuwang na direktor din ay tumutok bilang prodyuser ng proyekto.

Nang umalis si Lovi nang walang paalam sa gitna ng set, nagulat na lang sina Jeturian at Ongkeko-Marfil.

Kaya ang ginawa ni Ellen ay sinundan niya ang aktres sa van nito.

Nag-usap ang bituin at ang prodyuser.

‘Yon naman pala’y pagkukulang din ng produksyon.

Hindi pala naibigay kay Poe ang iskrip ng napakahaba at purung-purong Filipinong diyalogo.

Marahil ay isinaalang-alang ng kumpanya at ng mga tagalikha rito na mahusay na artista si Lovi kaya kayang-kaya niya ang lahat.

Pagkatapos nga ay hindi na naituloy ang pagsasapelikula ng historical drama.

Hanggang nito na lamang na 2025.

Napagpasyahan ni Ellen na imbes na tuwirang drama ang pangkasaysayang piyesa ay ginawa itong docu-drama.

Nakunan na sina Rocco Nacino bilang Andres Bonifacio at ang iba pang gumaganap na Gregoria de Jesus na sina Gina Pareño at Elora Espano sa iba’t ibang kabanata at bahagdan ng buhay ng babaing Katipunera.

Ito ay ang bahaging dokyumentaryo na.

Sa parteng ito ng paglikha ay kasama na si Arjamar Rebeta bukod pa sa dati nang mandudulang pampelikula na si Rody Vera.

Hanggang namatay na ang talent manager ni Poe na si Leo Dominguez.

Heto na at kailangang kausaping muli nina Ellen at ng produksyon ang aktres para sa pinakahuling kaganapan sa proyekto.

Nakipagkita ba si Lovi kina Ellen?

Ang sagot ay isang malutong na “Oo.”

Ito ay sa pamamagitan ng bagong manager ni Poe na si Rey Lanada.

Ayon kay Ellen, diskumpiyado pala si Lovi sa kanyang talento sa pag-arte noon kaya nag-walk out siya sa set.

Pero pinaninindigan naman nina Ongkeko-Marfil na noon pa man ay magaling nang bituin ang aktres.

Handa nang itinda ni Lovi ang kanyang pelikulang handog sa bayan sa in-150 taong kaarawan ni Ka Oryang, ang bansag sa gerera.

Sa Mayo na ang takdang pagtatanghal ng obra.