BINOE, TINALIKURAN ANG PAGIGING MAMBABATAS

art t

ILL-ADVISED ba o sadyang manhid na sa kahihiyan ang isang Robinhood Cariño Padilla, na hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo makapaniwalang siya ang nag-number one bilang senador noong 2022 presidential elections?

At hanggang ngayon din ay  hindi natin matanggap na galing sa sagradong halalan kung pa’nong natalo bilang pangulo si Vice President Leni G. Robredo?!?

Balik-Robinhood tayo na sa kasalukuyan ay nasa The Hague, the Netherlands ang kinilalang Bad Boy ng Philippine cinema, bago siya masingkaw ng politika, at isa siya sa mga tagapag-organisa sa isinasagawang rally roon ng mga taga-suporta ni dating-Pangulo Rodrigo Duterte, na nasa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crime against humanity.

“Malaki ang aking utang-na-loob kay FPRRD dahil siya ang nagbigay sa akin ng absolute pardon,” humigit-kumulang na pahayag ng asawa ni Mariel Padilla, sa isa sa kanyang mga panayam.

Teka, teka muna?! Sino ba ang nagluklok sa iyo Binoe bilang senador? Hindi ba’t ang sambayanang Pilipino na batay sa iyong mandato sila ay dapat mong paglingkuran sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga batas na magpapabuti sa kanilang kalagayan sa usapin ng kalusugan, edukasyon, seguridad sa buhay laban sa kasamaan, serbisyong panlipunan, kasiguruhan sa paninirahan at hanapbuhay, kasiguruhan sa pagkain at iba pang benepisyo na kailangana ng iyong mga kababayan, na iyong sinuyo noong panahon ng iyong pangangampanya.

Ngayon, nasa ibang bansa ka at inabandona mo ang iyong tungkulin sa iyong mamamayan at ipinagpalit mo sa kapakanan ng isang taong nahaharap sa isang krimen laban sa humanidad—bunga ng kanyang isinagawang ‘war on drugs’ sa pamumuno ni Ronald ‘Bato’ dela Rosa noon bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) ngayon ay senador.

Hindi ka ba kinikilabutan Binoe, na ang iyong tinatanggap ng sahod bilang mambabatas ay nagmula sa buwis ng mga mamamayan na iyong ipinapakain sa iyong buong pamilya sampu ng iyong angkan pero naroon ka sa malayong bansa at nagsisigaw na pauwiin ang isang taong nahaharap sa isang kaso laban sa sambayanang Pilipino?!

Hindi ba dapat kang tumanaw ng utang na loob sa mga mamamayan na nagluklok sa iyo para maging makapangyarihan kung kaya’t tinatamasa mo ang maraming prebilehiyo bilang mambabatas?

Saan ba dapat angkop ang katapatan mo? Hindi ba dapat sa ating bandila at sa mamamayang Pilipino na iyong dapat pinagsisilbihan?!

Hindi sa iisang tao lamang o isang angkan o pamilya na maraming sagutin sa mamamayan?