HINDI AKO NAGING SUPLADA KAILANMAN—NOVA VILLA

“AKO, suplada?” bungad ni Nova Villa,  minsang mapasyal kami sa taping ng seryeng “Sanggang Dikit” ng Kapamilya network. Isa siya sa mga tampok na artista roon na pinagbidahan  ng mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.

Edad 17 nang pasukin ni Nova ang daigdig ng pelikula, na ni sa hinagap ay hindi niya pinangarap. Nasa canteen siya ng Premiere Productions, sa Grace Park, Caloocan, nang mamataan siya ni Fernando Poe, Jr.

Naroon siya sa nasabing film outfit na pag-aari ng Pamilya Santiago, dahil nagpasama ang kanyang Lola Chichay at iniwan muna siya sa canteen ng nasabing studio. Nilapitan siya ni Ben Esteva, production assistant noon ni FPJ at tinanong kung gusto niyang mag-artista. Kinabukasan din, nag-siyuting na si Nova sa pelikulang “Daniel Barrion” title role si Da King, at sa Novaliches kinunan ang mga eksena ni Nova at pulos goons sa pelikula ang naging kasama ng baguhang artista. “Napapalibutan ako ng mga de-baril na goons noong first shooting day ko,” balik-alaala ni Nova.

“Maniniwala ba kayo na noong ako ay mag-debut (1964), pulos kabayo, mga goons na de-baril ang nakasama ko sa birthday ko!,” masayang kwento ni Nova.

Tatlong taong naging contrct star si Nova sa ilalim ng FPJ Productions at pagkatapos ay nagpalipat-lipat na siya ng iba’t ibang movie outfit, kagaya ng Lea, Sampaguita at kalaunan sa Regal Films ni Mother Lily Monteverde.

Hanggang naging casts siya  sa pelikulang “Mangkukulam at Manananggal”, na naging daan para maging extra close sila ni Dolphy. Marahil ay sa dahilang nakahiligan din niya ang gumanap ng comic  character. Nakita ni Dolphy ang angkin niyang kakayahan sa pagpapatawa kaya’t naging malapit silang dalawa.

Kung tutuusin, si Nova ay nagsimula sa pelikula bilang dramatic star at hindi niya inakalang mapapasabak siya sa pagigigng komedyana.

“Humaharap ako sa salamin at binabasa ko ang mga Pilipino komiks, Hiwaga, Pioneer at iba pang komiks na Tagalog. Nagpa-praktis akong mag-isa ko,” salaysay pa niya.

Bihira ang nakakaalam na si Nova ay sumabak din sa radyo. Sa edad 14, naging main-stay siya sa Radio Veritas, Nakilala siya sa radyo bilang si Tabu Neknek at hindi si Nova. Nakasama niya rito si Orly Punzalan at iba pang personalidad na namayagpag sa larangan ng radio.

Bukod sa radyo, naging laman din siya ng entablado o sa mga live entertainment. Naging bukambibig ang pangalan niya ng mga aficionado sa Manila Grand Opera House at Clover Theater mula tanghali hanggang gabi.

Naging paborito rin siyang isama sa mga bansa sa United Arab Emirates (UEA) sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bilang entertainer sa halos lahat ng major Arab countries. Sa mga pagtatanghal nilang iyon, doon niya naging co-emcee ang namayapang si Bert ‘Tawa’ Marcelo.

Si Nova Villa at ikinasal kay Freddie Villegas at meron silang isang anak.

“Sa rami ng mga achievements ko bilang artista, may panahon pa ba akong mag-suplada?,” balik-tanong niya sa amin kasabay ang isang malutong na halakhak.

Oo nga naman.

(Alicia Vergara)