LEGAL BA O ILLEGAL, ANG PAGKAKA-ARRESTO SA DATING PANGULONG RODRIGO ROA DUTERTE?

SARIWA pa sa isip ng mga sumusuporta at ng buong mundo ang pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kasama ang dating Executive Secretary si Atty. Medialdea, noong March 11, 2025. Malaking katanungan kung paano ito inaresto ni Gen. Torre at dagliang dinala sa The Hague, Netherlands, gamit ang isang pribadong eroplano, para litisin sa International Criminal Court (ICC) sa kasong isinampa laban sa kanya na crimes against humanity.
Sa ating obserbasyon at pakikinig sa mga sinasabi ng mga matatalino at kilalang mga abogado at eksperto sa larangan ng batas, ay magkakasalungat ang kanilang pinagbabatayan ukol sa pagkaka-aresto sa dating Pangulo. Tuloy nagkakaroon ng bangayan ang magkabilang partido at nalilito ang ating mga kababayan, kung sino ba talaga ang tama?
Kung silang marurunong at nakapag-aral hinggil sa batas ay magkasalungat sa mga paliwanag at pagkakaintindi nito, paano pa kaya ang mga ordinaryong mamamayan na hindi naman nakapag-aral ng batas? Kaya patuloy na lamang sila na magiging biktima ng masalimuot na pulitika sa ating lipunan.
Sa kabilang banda, ay marami tayong mga kababayan na hindi maliwanagan at ‘di lubos maintindihan kung ano ba ang isinasaad sa batas na ginagawang basehan ng magkabilang panig. Kaya’t emosyon at common sense nalang ang pina-iiral ng marami ng ating mga kababayaan.
Sa usaping ito, sino ba talaga ang lubos na apektado at nahihirapan sa mga nangyayari? Ang mga pulitiko ba na naghahangad manungkulan sa matataas na posisyon sa pamahalaan? O ang mga taong araw-araw na naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya?
Sa sitwasyon natin ngayon na bangayan ng magkabilang partido sa pulitika, at sa maraming problema ng ating bansa, tulad ng krimen, kahirapan at talamak pa rin na problema sa paglaganap ng illegal na droga—(na kahit sa social media ay wala silang takot at pakundangan na kuhanan ng video at i-post sa Facebook ang actual nilang paggamit nito).
Paano na kaya ang buhay nating mahihirap at mga kababayan at ang kabataan na susunod na henerasyon? Saan na kaya patungo ang mahal nating Pilipinas?