kspho

SA mga nakaraang araw at linggo, hindi lingid sa ating kabatiran ang mga kaguluhang nagaganap sa ating bayan. Mga walang habas na pamamaril dahil lang sa road rage na nag-ugat sa mga matatapang na kamote riders na akala mo’y laging nagmamadali, singit ng singit. Mga nasawing pulis dahil nakipagbarilan sa adik, pulis pa rin, nasawi dahil binangga ang checkpoint sa Isabela. Patayan na sangkot ang riding-in-tandem sa Bulakan na ikinasawi ng pulitiko at driver nito. Rider na binaril ng kapwa rider. At marami pang ibang insidente. Sadya bang matatapang na ang mga Pinoy? Naglabasan din ang mga adik at ginawa pang content sa fb reels ang paggamit ng bawal na gamot!? Ano na bayan ko?

            Hindi lamang sa lansangan nagkakaroon ng away at bangayan, maging sa kongreso ay madalas ang pagtatalo na minsan ay muntik pang humantong sa suntukan ng dalawang kilalang kongrehista. Sa kongreso lang ba? Check natin ang mga konseho ng iba’t ibang lalawigan at munisipalidad, meron din diba?

            Mga kabi-kabilang protesta sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Mga pagkilos ng iba’t ibang mga organisadong grupo na ang layunin at adhikain ay kanilang isinisigaw sa mga lansangan. Heto ang malupit pang international na pagtitipon ng mga tagasuporta ng dating pangulo, umalingawngaw sa buong mundo, pero walang masyadong balita galing sa ating mga mainstream media. Anyare bakit hindi ibinalita?

            Mga pagdinig ng samu’t saring komite sa kongreso, quad comm / tri comm, et cetera, in aid of legislation daw. Pero kapag pagtuunan natin ng pansin ang nasabing mga pagdinig, mahihinuhang gusto lang nilang marinig ang dapat sabihin ng mga resource persons. Tama pa ba ito?

            Isama pa natin ang paton-patong na kaso o petisyon, na inihahain ng iba’t ibang indibidwal o grupo sa Korte Suprema, laban sa mga nakaupo sa pwesto lalo na sa kongreso. Korte Suprema ano na? Kaya pa ba?

            Napapatanong tuloy ako kung ano na ang nagyayari sa Pilipinas? Tila baga gumugulo na ang bansa dahil sa kawalang respeto natin sa kapwa tao. Presidente natin tinatawag nilang bangag, tama ba ‘yun? Tapos yung spokesperson natin sa Palasyo tinatawag ding palengkera? Ano na bayan ko!?

            Idagdag pa natin yung mga paglabag ng mga dapat ay ehemplo sa pagsunod sa batas. Bigay ako ng ilang halimbawa. Sa EDSA bus way, dumaan si Cong Ralph Tulfo, na kinampihan ng amang si Sen. Raffy. Isa pa itong pagdaan ng PNP convoy sa EDSA busway naka video rin at uploaded. Ito pang illegal parking ng isang Manila judge kaya na-tow ang kotse, ang masama uploaded pa sa internet. Ito pang illegal parking ng mga pulis na humantong sa pagpapahiya ng opisyal ng MMDA sa kapitan ng pulis. Uploaded din, nakakahiya diba?

Nawawala naba ang dangal at respeto ng iba sa posisyon ng mga nakaupo at sa uniporme ng pambansang pulisya? Hati ang opinion ng karamihan, bagay lang daw sa kanila dahil sila rin di marunong rumespeto, ang iba naman galit sa opsyal ng MMDA dahil sa nagpapakumbaba na nga ang kapitan, sige pa rin sa panenermon at pagpapahiya sa kapitan. Saka mayabang daw talaga itong si opisyal ng MMDA, na hindi rin matanggap ng NAPOLCOM dahil minsan na itong ipinagtanggol ng kapulisan laban sa mga nagra-rali.

            Sa aking pananaw at hindi ko naman nilalahat, tila sa ngayon ay wala ng moral ang mga kapulisan. Sumagi tuloy sa isip ko ang noo’y nabanggit ni Chief PNP Marbil na tila binigyang katwiran pa ang paggamit ng droga na sinigundahan pa ito ni Madam Fajardo na meron daw economic side ang paggamit ng bawal na gamot. Kung sila nasa katinuan pa, eh bawal nga bakit binibigyan pa nila ng katwiran?

            Isa pa itong hepe ng CIDG, maraming mga sablay na statement, na sa internet lang natin mapapanood, dahil sa nag-leak na video, na ipinakalat ng mga vlogger. Kaya pala sa Kongreso ay nagkaroon ng pagdinig ukol sa fake news daw.

            Madako naman tayo sa usaping fake news. Hindi ba nabansagan ang mainstream media na sila mismo ang nagpapakalat ng fake news? Isa pa hindi ba fake news din ang ipinamamalita ng gobyerno na bumaba ang crime rate dito sa Pilipinas? Samantalang ramdam ng bawat Pilipino na hindi na safe ang mga lansangan. Ano nga kasi ang fake news? Argumento ng isang abogado na dating kaalyado ng administrasyon na hindi masagot ng mga Kongresista na nakaupo sa hearing in aid of legislation.

            Hindi tuloy natin mawari kung ang pamahalaan ay nagbubulag-bulagan lang sa mga nangyayari o talagang bulag na sila. Lantaran ang korapsyon sa Philhealth at Flood Control Projects, pero nakatutok sila sa ilang milyon lang na confidential funds ng DepEd at OVP.

            Tayong mga simpleng tao nakikita natin ang mga ito, katulad nalang ng isyu sa Comelec. ‘Yung isang magandang binibini na hindi alam ang ibig sabihin ng Comelec, aba, ipina-tour pa sa loob ng Palasyo de Gobernador!? Samantalang ‘yung isang tao na nagmamalasakit at may alam sa mga pwedeng mangyari pagdating sa bilangan, ano ginawa ng ahensya? Di ba kinasuhan? Anong klase yan? Pro-bobo na ba ang mga nakaupo sa nasabing ahensiya?

           Isa pa, naririnig natin sa mga kaututang-dila, maganda raw ang eleksyon ngayon dahil si ganire ay mayaman at mapera din si honorable. Bumabaha na naman anila ng salapi sa kanilang lugar. Hindi ba maliwanag na vote buying ‘yan? Bakit wala kayong mahuli? Hoy gising ika nga ni kabayan Noli.

            Ito pa, napabalitang nag-rally raw sa lalawigan ng Quezon kamakaylan ang grupo ng maka-kaliwa. Aba lumantad na sila, muli ba silang nabuhay at lumakas ngayon at ano ang ginagawa ng mga pulis? Legal na ngayong gawin ang mga illegal? Pangatwiranan mo ulit ito Madam Fajardo.

            Sa Palasyo naman, bakit parang tahimik at walang video tayong nakikita na nahagip man lang si FL Liza sa mga gathering sa Palasyo o sa ibang lugar dito sa bansa? Pawang mga pictures lang na sabi ng mga netizen at mahilig sa fact check ay edited o dili kaya ay repost? Nasaan nga kaya talaga ang ating FL? Totoo ba ang mga alingasngas? Bakit todo tanggi ang tagapagsalita ng Palasyo at sinasabi nyang narito lang sa Pilipinas ang FL!? Ano ba ang totoo? Finding Liza na daw hindi First Lady ang kahulugan ng FL.

            Hindi ko po kayo hinihimok na maniwala sa kampo ni FPRRD, hinihimok ko kayong magmasid at huwag magbulag-bulagan sa mga nangyayari sa ating bayan. Huwag tayo maging panatiko sa pulitiko, magagamit lang tayo. Doon tayo sa kung ano ang tama at kung ano ang nasa batas.

            Anyways, napabilib lang din ako sa tapang ng mga kababayan natin na nagtipon-tipon sa iba’t ibang panig ng mundo para lang ipakita ang kanilang pagsuporta sa kaarawan ni FPRRD. Marami ang kanilang sakripisyo, sariling pera ang ginugol, at ang iba nakasuhan pa at ayon sa mga balita ay made-deport pa sila.

            Ito ay saloobin at opinion ko lamang base narin sa aking mga nakikita at naoobserbahan sa ating kapaligiran, kaya ako ay napapatanong nalang: PILIPINAS, ANO NA?