Kababaihan ng Montalban binigyang pugay ni Cong. Fidel Nograles

HINDI ininda ng mga taga-Montalban ang init ng araw at pagpila ng mahaba masilayan lamang ang kanilang kongresista at matanggap ang pinansyal na tulong nito sa mga kababaihan ng Montalban.

            Mahigit limang libong kababaihan,  isang libong kalalakihan at nasa isang libo ring PWD’s ang nabiyayaan ng tulong pinansyal sa inisyatibo ni Cong. Fidel Nograles. Ang nasabing pamamahagi ng tulong ay ginanap sa LTO-Tagumpay,  Barangay San Jose, Montalban, Rizal, Huwebes, ika-27 ng Marso 2025.

            Bago matapos ang Buwan ng Kababaihan (National Women’s Month) ay binigyan ng pagpupugay at pagkilala ni Nograles ang sektor ng kababaihan sa kanyang nasasakupang distrito.

            “Ngayong pagtatapos ng Buwan ng Kababaihan, mayroon tayong pagkakataon na bigyang pugay at kilalanin ang mga kababaihan sa kanilang mga tagumpay, sakripisyo at kontribusyon sa lipunan,” paglalahad ng kongresista

            Akay ng pagmamahal nya sa mga kababaihan ng Montalban, ninais niyang handugan sila sa pamamagitan ng TUPAD. Sa pahayag ni Nograles, binanggit din niya na maliit na bagay lang ang pinansyal na tulong na kanyang ipinamahagi kung ikukumpara sa mga sakripisyo at kontribusyon ng mga ito sa lipunan.

            Ngunit higit sa isang araw ang pagdiriwang, ay patuloy na ipinaglalaban ni Cong. Nograles na bigyang pansin ang mga isyu at hamon na hinaharap ng mga kababaihan sa pang-araw-araw nilang buhay.

“Mula sa paglaban para sa pantay  na karapatan hanggang sa pagtataguyod ng kalusugan at edukasyon, mahalaga ang pagkakaisa at pakikibaka upang matugunan ang mga pangangailangan at hangarin ng mga kababaihan. Sa bawat pagdiriwang at pagkilala sa Buwan ng Kababaihan, tayo ay nagtutulungan upang bumuo ng isang lipunan kung saan ang lahat ay pantay-pantay at pinapahalagahan ang bawat isa,” ayon pa kay Nograles..

“Sa pamamagitan ng pagtanggap, pagrespeto, at pagtutulungan, patuloy nating pinapalakas ang kapangyarihan at kakayahan ng bawat kababaihan na maging tagapagtatag ng pagbabago at tagapagtaguyod ng katarungan at kabutihan sa ating mundo,” dagdag pa niya

            Sa panayam natin sa Kongresista ay binigyang diin niya na patuloy siyang maghahain ng mga batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hindi lamang para sa mga kababaihan kundi para sa lahat ng uri ng tao sa lipunan.

            Ipinagmalaki rin ng Kongresista ang malapit nang matapos na Northern Tagalog Regional Hospital na matatagpuan sa Brgy. San Jose, Montalban.

            Aniya, kapag natapos ito ay hindi na mahihirapan ang mga taga-Montalban na bumiyahe ng malayo para magpa-hospital, na kung minsan dahil sa layo at tagal ng byahe ay may mga hindi na umaabot ng buhay sa pinakamalapit na pagamutan.

            Makakatulong din aniya ang hospital na ito sa mga residente ng mga karating bayan ng Montalban.

            Lubos naman ang kagalakan ng mga residente nang masilayan at makadaupang palad nila ang Kongresista. Taos-pusong pasasalamat din ang lagi nilang sukli sa butihing mambabatas.                                                                         

(Darwell Baldos)