Showbiz, apektado sa isyu sa pagka-aresto kay Digong
HIGIT dalawang linggo nang na-aresto (Marso 11, 2025) si dating-Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nasa The Hague, the Netherlands, dahil sa kinakaharap na kasong crime against humanity, at siya’y lilitisin sa International Criminal Court (ICC).
Nagsalimbayan ang magkakasalungat na opinyon na kesyo illegal ang pagkaka-aresto sa dating pangulo! Bakit daw dinala sa ibang bansa para litisin doon samantalang merong sapat tayong hukuman para gawin dito ang paglilitis.
Ang sagot ng ilang legal experts, merong malaking butas ang sistema ng ating batas na umiiral kaya’t walang puwang ang isang pantay at malayang paglilitis partikular sa tulad ng kaso na kinakaharap ni Digong.
Meron namang pinagdiinang legal at dumaan sa due process ang nasabing pag-aresto sa bisa ng isang warrant of arrest galing sa mga hukom ng ICC. At wala na raw magagawa ang mga kinauukulan kundi ang hintayin ang pag-usad ng pag-uusig na magaganap sa Setyembre 23, 2025.
Samantala, hindi nakaligtas ang showbiz dahil nagkaroon din ng kani-kanilang opinyon o paniniwala ang iba’t ibang personahe hinggil sa pagka-aresto sa dating pangulo.
Pero kung susumahin ang mga nagsalimbayang opinyon, nakaliligtaan sa usapan ang kahalagahan o ang importansiya kung bakit nagkaroon ng ganitong kaso sa The Hague—ang mga naging biktima ng war on drugs ni Digong, sampu ng kanilang mga pamilya.
Hustisya ang hinihiling ng mga naulilang pamilya ng kanilang mga asawa, mga kapatid, mga anak at mga kamag-anak ng mga naging biktima ng tokhang ni Digong.
Sa isang senaryo, marubdob ang paghihinagpis ng actor na si Philip Salvador sa kanyang panawagan sa kanyang mga talumpati na ibalik na sa Pilipinas si Digong.
Samantala, walang kibo o hindi nagbibigay ng kanilang mga opinyon ang mga gaya ni Bong Revilla na nasa ilalim ng slate ni BBM.
Hati man o hindi lang kumikibo ang karamihan sa mga namumuno ng industriya ng aliw, dahil sinisikap nilang lumikha ng formula para mapasigla at maibalik ang mga tao sa mga sinehan sa pamamagitan ng paglikha ng mga obrang aakma sa panlasa ng Pinoy moviegoers na tila napakahirap hagilapin sa kasalukuyan.
(Art T. Tapalla)