Naglunsad ng political rally!

17 OFW NAKULONG SA QATAR, TUTULUNGAN NG OWWA

UMABOT sa Gitnang Silangan, ang paglalabas ng sama ng loob at pagkadismaya ni Overseas Filipino Workers (OWWA) Administrator Arnel Ignacio, dahil sa pagkakasangkot sa mga illegal na aktibidad o gawain ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) kamakailan.

Naglabas ng madamdaming  pahayag si Ignacio matapos makarating sa kanya ang balita na 17 Overseas Filipino Workers (OFW) ang pinagdadakip ng mga otoridad ng Doha, Qatar, dahil sa kanilang isinagawang hindi otorisadong political rally na inorganisa ng mga pro-Duterte.

Sinabi ni Ignacio, na hindi dapat umano nakikisali ang mga OFW sa mga ganitong gawain dahil alam naman nila na labag ito sa panuntunan ng mga Middle East countries kabilang ang Qatar.

Aniya pa, hindi nagkulang ang pamahalaan sa pagbibigay ng impormasyon at pagpapaliwanag sa mga OFW bago pa man sila umalis kung saan silang bansa magta-trabaho.

Pinaalalahanan din ng ahensiya na kailangan nila respetuhin ang mga umiiral na batas para hindi sila mapahamak, gaya ng sinapit ng 17 OFW sa Qatar, na posibleng ma-deport at tuluyan nang mawalan ng trabaho at magmumulta pa ng malaking halaga dahil sa nilabag nilang batas na pagbabawal ng political rally.

Pakiusap pa ni Ignacio na kung hindi makatalima sa regulasyon ng mga bansa ang ating mga OFW, mas mabuting manatili nalang sila sa Pilipinas, upang hindi nasisira ang imahe ng mga matitinong OFW abroad.

Gayunpaman, sinabi ni Ignacio na no choice ang kanyang ahensya (OWWA) kundi bigyan ng kaukulang tulong ang nakakulong na 17 OFW sa Doha, Qatar.

(Joseph Suguitan)