Alex Eala, sampa sa World No. 73
HINDI man lamang pinagpawisan ang 2022 US Open Girls champion na si Alexandra ‘Alex’ Eala sa pag-angat nito ng dalawa pang baitang tungo sa World No.73 sa pinakabagong Women’s Tennis Association-WTA Rankings.
Naabot ng 19-anyos na Pinay ang kanyang pinakamataas na ranggo nang hindi nag-aangat ng raketa dahil nabigo ang ibang manlalaro na ipagtanggol ang kanilang mga puntos mula sa mga torneo nitong nakaraang weekend.
Si Eala, na ang meteoric rise ay dumating kasunod ng isang breakthrough run sa Miami na may kasamang upsets sa tatlong Grand Slam champions, ay nagtala ng 894 puntos sa pagsabak nito sa 30 torneo.
Mayroon siyang kahanga-hangang 14-8 win-loss card at kumita ng 372,640 US dollars (PhP21.3m) tatlong buwan lamang bago ang 2025 season.
Samantala, ganap nang naka-recover si Alex mula sa ankle injury na natamo niya sa Miami Open semis laban kay Jessica Pegula.
Sa panayam noong Sabado sa ‘Power and Play’, sinabi ng Filipina tennis sensation na susunod siyang sasabak sa WTA125 Oeiras Open sa Portugal na nakatakda sa Abril 14-20 at sa WTA1000 Mutua Madrid Open sa Abril 22 hanggang Mayo 4 sa Spain.
Hindi pa nakakapagwagi ng titulo sa elite na grupo ng mga kababaihan si Eala kung saan pinakahuli nitong naabot ang semifinal round bago nabigo kay American Jessica Pegula na nagtapos sa 6-7 (3), 7-5, 3-6.
Gayunpaman, nakamit ni Eala ang karapatan maglaro sa mga Grand Slam matapos ang ipinamalas na matinding laro sa Miami Open, na nagpaangat dito mula sa ika-140 hanggang ika-75 sa ranking ng WTA, na kaakibat ang direktang pagpasok sa mga kaganapan sa Grand Slam.
Bago mabigo kay Pegula, pinatalsik ni Eala ang tatlong nanalo sa Grand Slam simula sa world no. 25 at 2017 French Open titlist Jelena Ostapenko ng Latvia sa round of 64, 7-6 (2), 7-5, noong Marso 22.
Pinatalsik din nito ang reigning Australian Open champ at world no. 5 Madison Keys ng United States sa round ng 32, 6-4, 6-2, noong Marso 24. Nakuha ni Eala ang walkover sa round of 16 bilang world no. 11 Paula Badosa ng Spain ay umatras sa laban dahil sa pinsala sa likod.
Itinala naman nito ang pinakamalaking upset para sa bansa matapos biguin ang world no. 2 at 5-time Grand Slam champ na si Iga Swiatek ng Poland sa quarterfinals, 6-2, 7-5, noong Marso 27 para makapasok sa semifinals at abutin ang pinakamataas na yugto na narating ng isang Filipina tennis player sa torneo.
(Lianne Encarnacion)
