Orduña, Roda, itinala personal best sa Rexona 10 Miler Series
MISTULANG mga road warriors sa pagtatala ng kanilang mga personal best time sina Jason Darrel Orduña at Jessa Mae Roda sa pagwawagi sa pinakatampok na 16 kilometrong distansiya sa nagbabalik, matapos ang halos isang dekada nagpahinga na may kakaibang anim na yugto ngayong taon na Rexona Manila 10 Miler Series 2025 na ginanap Abril 6, na nagsimula at natapos sa Quirino Grandstand.
Gitgitan ang naging labanan bago nakamit ng University of the East graduate mula Bulacan na si Orduña ang titulo sa kalalakihan sa pagtala ng pinakamabilis nitong tiyempo na 52:23 minuto sa unang ruta sa loob ng City of Manila
ng nagbabalik na karera na huling naisagawa noong 2014.
Pumangalawa si Richie Estampador na 10 segundo lamang naiwan sa 52:33 habang pangatlo si Ricky Organiza na naiwan naman ng isang segunod sa 52:34 minuto.
“Okey naman po at medyo maganda po ang kundisyon ko ngayon. Dikitan po ang labanan at sa huling kilometro na lang po kami nagkahiwalay,” sabi ni Orduña, na naghahanda sa paglahok sa PATAFA National Open sa inaasam nitong maging miyembro ng national pool at huling nagkampeon sa 21km ng National Milo Marathon.
Hindi naman pinakawalan ni Roda ang pagkakataon sa kababaihan matapos itala ang personal best na 1:04:17 oras upang talunin sina Edna Magtubo na pumangalawa sa 1:04:33 oras at maraming beses tinanghal na kampeon na si Maricar Camacho na iniinda ang pagkatapilok subalit pumangatlong puwesto sa isinumiteng 1:09:04 oras.
“Maganda po ang naging run ko kanina at nakuha ko ang personal best ko,” sabi ng 22-anyos na Physical Education Major sa National University at naging steeplechase at 1,500 event gold medalist sa UAAP sa karera na suportado ng Summit, official hydration partner, ION+ Advanced Electrolyte Drink na official electrolyte partner, Olympic Village bilang Redemption Partner, venue partner ang National Parks Development Committee, kasama ang Vaseline, Pond’s, Surf, Knorr, Dove & Dove Hair, Close Up, Selecta at Lady’s Choice. Kasama rin tumutulong ang Fitbar, Gardenia, Clyde Sneaker Care, Park Access (Nike), Galinco, Katinko at Chef on A Diet.
Ikinatuwa naman ni Annicka Koteh, Total Rexona Brand Manager, ang mainit na pagtanggap ng mga runners na umabot sa mahigit 10,000 kung saan tampok ang 5,000 sa 10km, 4,000 sa 5km at 1,000 sa 16km distansiya.
Wagi naman sa 10km si Eduard Flores sa bilis na 33:05 minuto kasunod si Noli Torre sa 33:12 at pangatlo si John Brussel Moncal sa 33:22 minuto. Kampeon sa kababaihan si Teresiah Kabul na may 39:30 oras kasunod si Meljoy Gonzales sa 43:06 habang pangatlo si Jocelyn Elijeran sa 43:32 minuto.
Kampeon sa 5km si Mark Angelo Biagtan sa itinala na 17:25 minuto habang pangalawa si Calvin Vidal sa 17:56 at pangatlo si Jeremy Enreras sa 18:27 tiyempo. Wagi sa kababaihan si Jo Punay sa 23:01 habang pangalawa si Jysel Gabriel sa 23:53 at pangatlo si Geneva Valmeo sa 25:00 minuto.
Pinakauna sa serye ang Lungsod ng Maynila habang magpapatuloy ang takbuhan sa Pasay City sa Mayo 4 sa SM Mall of Asia Complex, susundan ng Muntinlupa City sa Hulyo 6 sa Filinvest City. Susunod, ang Parañaque City ay kukuha ng spotlight sa Agosto 3 sa Parqal Aseana City, bago tumungo sa Makati City sa Setyembre 14 sa Ayala Triangle Gardens. Ang serye ay magtatapos sa Quezon City sa Nobyembre 23 sa UP Diliman, na nangangako ng kapanapanabik na pagtatapos sa isang hindi malilimutang paglalakbay sa karera.
(Lianne Encarnacion)
