Obiena, sasabak naman sa Diamond League

LALAHOK ang 2-time Olympian na si Ernest John “EJ” Obiena sa unang dalawang leg ng Diamond League Series na isasagawa sa China, matapos magawang magwagi ng dalawang gintong medalya sa gitna ng kakaibang panahon sa Taiwan International Pole Vault competition.

      Nasa bansa ang 29-anyos na si Obiena upang ipagpatuloy ang kanyang training camp para sa outdoor season sa mahigpit na pagsubaybay ng kanyang ama at coach na si Emerson.

     Una nang sinimulan ni Obiena ang mahigpit na pagsasanay para sa prestihiyosong liga na magbubukas sa Abril 26 sa Xiamen, bago ganapin ang ikalawang leg sa Shanghai sa Mayo 3.

     Huling nagtungo si Obiena sa Taiwan kung saan ito nagsimula sa kanyang paghasa sa pole vault at muling nagawa na magwagi ng mga gintong medalya

     Winalis ng world No.4 Obiena ang dalawang nakatayang gintong medalya sa Taiwan International Pole Vault Meet, matapos pamunuan ang outdoor event sa 5.50m sa gitna ng zero visibility condition sa Sun Moon Lake, isang tourist destination sa Nantou Cith na may elevation na 2,454 feet above sea level.

     Una nang nangibabaw si Obiena sa indoor competition na may luksong 5.62meters.

     Ang Taiwan Meet ay nilahukan ng mga pole vaulter mula sa U.S. Australia, England, Hong Kong, Thailand, Korea, Indonesia at host Chinese Taipei.

     Nakaramdam ng nostalgia si EJ matapos manalo dahil ang kumpetisyon na ito ay nagkaroon ng isang espesyal na lugar sa kanyang puso mula noong siya ay 12 taong gulang.

     Sinabi ng ina ni Obiena na si Jeanette, na makasaysayan sa kanyang anak ang torneo sa Taiwan kung saan nagawa nito itala ang kanyang unang 3, 4 at 5-meter jump. (Liannie Encarnacion)