BODIES NEW GEN, PUSPUSAN ANG TRAINING! “IDOL: The April Boy Regino Story” biyaheng Europe!
TALAGANG hands-on ang producer cum beauty consultant na si Marynette Gamboa ng Water Plus Productions, sa pagtutok para gawing well-rounded performer ang kanilang bagong sing-and-dance girls na Bodies New Gen, na ini-launch last March 8, 2025 sa Great Eastern Hotel, Quezon Avenue, Quezon City.
“Heto nga, meron nang booking ang grupo sa Heritage Hotel (April 8). At sa May 8 naman sa Okada sila. Last month nag-guest sila sa isang event na ginanap sa Imus, Cavite,” excited na tsika ng indefatigable na si Marynette, nang bisitahin namin sa kaniyang restobar sa Scout Gandia.
Ang dating restobar ay ginawang dance studio para sa training ng labing-isang miyembro ng Bodies New Gen. At nagpagawa rin ng isang studio para sa podcast na gagawin weekly para na rin sanayin ang mga bagong talent para sa kanilang personality development.
“Pansamantala lang na isinara ko muna ang restobar. Pero ibabalik ko rin pagdating ng chef na inimporta ko. Mahusay na chef ‘yun,” dagdag kuwento ni Marynette.
Inimbitahan kami ni Marynette na umakyat para bisitahin ang ginawa niyang studio na ang namamahala ang anak niyang si Gary. Kasama natin ang beteranang movie journalist, si Alicia Vergara at si Lina Mercado, para saksihan ang podcast nila ni Obette Serrano at ang pagpapakilala sa kanilang Bodies New Gen. Nasa studio rin si Direk Armando Reyes, na siyang magha-handle sa acting workshop at iba pang personality development training para sa mga girls.
Matapos ang masayang podcast nina Marynette at Obette, na pinutakti ng pa-shoutout na karamihan ay galing sa labas ng bansa, ipinakilala naman ang unang anim (6) na miyembro ng Bodies New Gen na kinabibilangan nina Jade Lauzon, Amarah Smyth, Thea Santos, Dior Rampillo, Sheree Sison.
Matapos ang kanilang pagpapakilala sa isa’t-isa, nagkaroon ng maikling tanungan tungkol sa kanilang mga personal na pangarap na lahat naman ay gustong magtagumpay sa kanilang pinasok na career, at sumunod na ipinakilala ang lima (5) pang miyembro ng grupo kabilang sina: Wendy Gaynor, Tesha Ausa, Selina Platon, Irish Dagoy, at Darrah Fernando, na sa darating na mga araw ay sasalang sa iba’t ibang palihan (workshop) sa ilalim ng pamamahala ni direk Arman Reyes para sila ihanda sa mas marami pang mga hamon na kanilang kahaharapin.
Matapos ang pagpapakilala sa eleven gems ng Bodies New Gen, ipinakilala naman ang pinakabagong beauty products na distributed by Water Plus Productions ang Bodies Skin and Beauty, na ang naging modelo kung pa’no ginagamit ang naturang mga beauty products ay si Obette Serrano.
Well, hangad natin ang pagtatagumpay ng mga bagong talent ng Water Plus Productions at congratulations sa inyong lahat. Konting tiyaga lang at sumunod sa payo ng inyong mga mentors at tiyak na kayo’y magtatagumpay. Paki-tandaan: laging nakatapak sa lupa ang mga paa.
Samantala, masayang ibinalita ni Marynette na magkakaroon ng screening ang “Idol: The April Boy Regino Story” directed by Efren Reyes Jr., sa Europe come September 2025. Mauuna itanghal sa Italy ang “Idol: The April Boy…”, then sa Spain at sa Germany. Si John Arcenas, ang gumanap na April Boy, ang makakasama sa screening sa Europe, with the producer and director.
At ngayon palang ay ibinabalita na ng Water Plus Productions na malapit nang simulan ang next movie venture nila, ang “Marawi Siege”. Matatandaang naganap ang madugo at mapaminsalang paglusob sa Marawi City ng mga rebeldeng grupong Isis, na naganap mula Mayo 23 hanggang Oktubre 23, 2017. At bukod sa maraming buhay ang nailugso, halos napulbos ang buong lungsod na nagresulta na maging mistulang ghost town ang masigla at maunlad na Marawi pagkatapos ng digmaang sibil, na hanggang ngayon ay hindi pa rin madama ang tunay na pagbangon ng Marawi.
Ito bale ang second film outing ng kumpanya at masusundan pa ito sa pag-usad ng panahon.
(Art T. Tapalla)

whoah this blog is magnificent i love reading your posts. Keep up the great work! You know, a lot of people are hunting around for this information, you can help them greatly.