Pagpapatupad ng DOE, ERC at NREB sa sistema ng taripa sa renewable energy, KINATIGAN NG KORTE SUPREMA
PINAGTIBAY ng Korte Suprema ang karapatan ng Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC), at National Renewable Energy Board (NREB) (mga “respondent na ahensya”) na alamin kung paano ipinapatupad ang nakatakdang sistema ng taripa para sa renewable energy sa ilalim ng Renewable Energy Act of 2008.
Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, pinanindigan ng En Banc ng Korte Suprema ang mga nilalaman ng Section 6 at 7 ng Republic Act No. (RA) 9513 o ang Renewable Energy Act of 2008 na naglalayong isulong ang pagpapalawig ng renewable energy at bawasan ang mga greenhouse gas emission.
Itinatakda ng Section 6 ng nasabing batas ang Renewable Portfolio Standard na nag-uutos sa mga supplier ng kuryente at sa mga distribution utility na kumuha ng minimum na parte ng kanilang kuryente mula sa mga renewable source.
Binubuo naman ng Section 7 ng parehong batas ang Feed-In Tariff (FIT) System na nag-aalok ng insentibo sa mga developer ng renewable energy, kasama rito ang pagbabayad ng nakatakdang taripa at prayoridad na koneksyon sa grid.
Para ipatupad ang mga ito, nag-isyu ng resolusyon ang mga respondent na ahensya na pinapayagan ang rate ng taripa at naglabas ng FIT Rules at FIT Guidelines, kasama na ang FIT Allowance – ang hiwalay na singil sa mga electricity bills ng mga mamimili na gagamitin para pondohan ang mga nasabing inisyatibo.
May mga indibidwal at grupo ang kumukwestiyon sa legalidad ng mga inilabas na mga issuance at kanilang iginigiit na sa pagtutukoy ng mekanismo para ipatupad ang FIT System at Renewable Portfolio Standard, gumaganap ng lehislatibong gawain ang mga ahensya na dapat ay ang Kongreso lang ang tumutupad.
Pinahayag din nila na ang mga probisyon ng Section 6 at 7 ay malawak at walang malinaw na pamantayan na nag-reresulta sa hindi tamang delegasyon ng kapangyarihan ng tagapagbatas sa mga ahensyang administratibo. Dahil sa kawalan ng pamantayan, maaaring lagpasan ng mga ahensyang administratibo ang kanilang awtoridad na maaaring humantong sa pang-aabuso ng diskresyon.
Iginiit din nila na ang Renewable Energy Act ay hindi nagpapahintulot ng paunang koleksyon mula sa mga mamimili ng FIT Allowance bago pa ang aktwal na paggawa, paghatid, at pagkonsumo ng renewable energy. Bukod pa rito, walang paunang pagpapabatid at konsultasyon sa publiko bago inilabas ang mga issuance kaya’t nilalabag nito ang due process.
Sa pagsang-ayon sa Court of Appeals, idineklara ng Korte Suprema na kumpleto at nagbibigay ng klarong batayan ang batas at wasto ang delegasyon ng kapangyarihang gumawa ng batas. Pinaliwanag ng Korte Suprema na sa pangkalahatan ay hindi maaaring ipaubaya ng Kongreso ang kapangyarihan nito, pero maaari nitong bigyan ng karapatan ang mga ahensya na gumawa ng alituntunin at magtakda ng rates sa mga teknikal na paksa na nangangailangan ng pagkadalubhasa.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na binabalangkas lang ng batas ang polisiya ng gobyerno na palawigin ang paggamit ng renewable energy para protektahan ang kapaligiran. Kinatigan din ng Korte Suprema ang paunang koleksyon ng FIT Allowance at nilinaw na hindi ipinagbabawal ng batas na mangolekta ng paunang pondo para masuportahan ang sistema. Bukod pa rito, ipinahayag ng Korte Suprema na sumunod ang NREB sa kinakailangang notice at publication sa ilalim ng ERC Rules of Practice and Procedure.
(RoadNews Investigative Team)
