ATTY. VIC RODRIGUEZ MAINIT NA TINANGGAP NG PANGASINENSE
SIGAW AT TILI ang isinalubong ng Pangasinense kay Atty. Vic Rodriguez na nakasakay sa isang truck sa isinagawang motorcade ng DuterTen sa pitong (7) bayan ng Pangasinan noong nakaraang Abril 27, 2025.
Tanaw-na-tanaw mula sa mga residente ng probinsiya ng Pangasinan na nakaabang sa motorcade sa gilid ng mga kalsada kung paano nilang sigawan, tilian at pagsenyas ng kanilang mga kamao—ang nag-iisang tunay na oposisyon (Rodriguez) at pambato ng Hakbang ng MAISUG, habang nag-iikot sa nasabing pitong bayan ng lalawigan.
Batay sa Motorcade Route, nagsimulang mag-ipon-ipon ang grupo ng DuterTen Senatorial Candidates dakong alas-7 ng umaga nu’ng Abril 27 sa ULOPAN Center sa Mangaldan, Pangasinan.
Dakong alas-2 ng hapon nang sinimulan naman mag-ipon-ipon ang mga sasakyan sa kalsada para simulan ang Motorcade para sa mga bayan ng San Jacinto, Manaoag, Pozorrubio, Binalonan, Urdaneta City, Mapandan at Mangaldan.
Habang tinitilian at sinisigawan bilang paghanga kay Atty, Rodriguez ng mga Pangasinense ay sinasagot niya naman ito ng pasasalamat at paghagis ng campaign paraphernalias.
Bukod sa nakaabang sa gilid ng kalsada, ay mainit din ang pagtanggap kay Atty. Rodriguez mula sa mga motoristang nakakasalubong ng kanyang sinasakyang truck at sinasagot niya naman ito ng pagkaway at pagbibigay ng campaign paraphernalias.
Matapos na maikot ng Motorcade ng DuterTen Senatorial Candidates ang nabanggit na anim na bayan ng Pangasinan ay bumalik siya sa pang pitong bayan na Mangaldan kung saan isinagawa ang miting de avance pagsapit ng gabi.
Sa mga pananalita ni Atty. Rodriguez ay muli itong umani ng suporta mula sa mga Pangasinense partikular ang paglaban nito sa korapsyon at katiwalian ng pamahalaan.
Matatandaan kamakailan ay kinuwestiyon ni Atty. Rodriguez sa Korte Suprema ang legalidad ng 2025 National Budget na inaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Maging ang bilyun-bilyong pisong pondo ng flood control project ay kinuwestiyon din ni Atty. Rodriguez kung saan ito dinala ng gobyerno dahil wala namang maipakitang mga natapos sa nasabing mga proyekto ang administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.
Hindi rin nagustuhan ni Atty. Rodriguez ang ginawang pag-zero budget ng administrasyon ni BBM sa Philhealth na kung saan ay ang pangunahing apektado ay mga ordinaryong Pilipino na umaasa na mapapakinabangan nila ang kanilang kontribusyon sa Philhealth.
Ipaglalaban din niya na maging pantay ang sweldo ng mga manggagawa mula sa mga probinsiya at National Capial Region (NCR), ayon pa sa kanya (Rodriguez) hindi siya naniniwala na mas mura ang pamumuhay sa mga probinsiya kumpara sa Metro Manila.
Sinabi pa ng dating executive secretary na kung tutuusin, mas marami pa ang mahal na bilihin sa mga probinsiya kung ikukumpara sa Metro Manila tulad ng gasolina, mga de lata at iba pa na karamihan ay nagmumula pa ang suplay nito sa Metro Manila.
Nais din ni Atty. Rodriguez na pababain ang threshold ng plunder mula sa dating P50M ay gagawin niya itong P1M na lamang. Anya ang pagnanakaw ay pagnanakaw pa rin kahit na sa maliit na halaga.
Idinagdag pa niya na hindi makakapagnakaw ang mahirap na pamilya ng isang milyong piso kaya ang mga nakakanakaw nito ay mula sa mga nakaupo sa gobyerno at sila ang dapat na napaparusahan. Ang DuterTen Senatorial Candidates ay kinabibilangan nina Atty. Vic Rodriguez, Atty. Jayver Hinlo, Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Raul Lambino, Rodante Marcoleta, Philip Salvador, Sen.Bong Go, Sen. Bato dela Rosa, Dr. Richard Mata, at Pastor Apollo Quiboloy.
(Joel O. Amongo)
