EDITORYAL// Hustisya, Hindi Pulitika, ang Dapat Manaig
MULI na namang nabaling ang atensyon ng publiko matapos ilabas ng Senate Committee on Foreign Relations ang mga natuklasan hinggil sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD).
Sa ulat ng Senado, iginiit na may malinaw na pulitikal na motibo ang isinagawang pag-aresto at ito ay bahagi umano ng “whole of government effort” upang pabagsakin si Duterte. Hindi lang dito nagtapos ang imbestigasyon—malinaw ang rekomendasyon ng komite na magsampa ng kaso sa Ombudsman laban sa ilang mataas na opisyal ng pamahalaan na napaulat na sangkot sa kontrobersyal na operasyon.
Sa gitna ng mga kaganapan, nararapat lamang pagnilayan ng bawat Pilipino kung ano nga ba ang kalagayan ng ating sistema ng hustisya. Ang ideya na naisasangkot ang mga institusyon sa mga maniobra ng pulitika ay nakababahala—hindi lamang para kay Duterte, kundi para sa hinaharap ng sinumang lider at bawat ordinaryong mamamayan. Kapag nababahiran ng pulitika ang mga institusyong dapat sana ay tagapagtanggol ng batas at katarungan, nabubuo ang takot at pangamba na ang susunod na magiging biktima ay maaaring ikaw, ako, o sino mang ordinaryong Pilipino.
Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na matindi at malalim ang hatak ng pulitika sa ating bansa. Ngunit kung ang mga legal na proseso ay gagamitin upang wasakin ang kalaban, taliwas ito sa diwa ng demokrasya. Ang hustisya ay dapat na bulag sa kulay ng politika; dapat itong pairalin nang walang pinapanigan, at hindi ginagawang “weapon” laban sa kalaban ng sinumang nasa kapangyarihan.
Ang rekomendasyon ng Senado na magsampa ng kaso sa Ombudsman laban sa mga diumano’y sangkot na opisyal ay isang mahigpit na paalala: walang sinuman ang dapat na papanagutin sa kasalanan ng pulitika, kundi sa kasalanan ng pag-abuso at paglabag sa batas. Dapat imbestigahan nang masinsinan ang naging papel ng bawat opisyal, at kung tunay ngang nagkaroon ng “whole of government effort” para pabagsakin si Duterte, harapin nila ang nararapat na proseso at sang-ayon sa batas.
Kailangang maging aral ito hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa susunod na mga salinlahi ng liderato. Ang tunay na lakas ng demokrasya ay nasusukat sa kakayahan nitong panatilihing malinis, patas, at makatarungan ang pagpapatupad ng batas—kahit kanino pa ito ipatupad. Walang puwang sa isang lipunang demokratiko ang pamumulitika gamit ang hustisya.
Sa huli, manindigan sana tayo na ang tunay na layunin ng batas ay ang pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan—hindi ng iilang makapangyarihan. Huwag hayaang matulad ang ating bansa sa isang lugar kung saan pangkaraniwan na lamang ang political persecution. Pana-panahon ang pulitika, ngunit ang hustisya ay dapat maging permanente at panatag.
Dito nasusubok ang dangal ng ating republika. Ipaglaban natin ang hustisya—para kay FPRRD, para sa bawat Pilipino, at para sa kinabukasan ng ating bayan.

