Pamilyang Villar pahirap sa mamamayan… RICE TARIFFICATION LAW NOON, PRIMEWATER NGAYON
DALAWA lang ang pagpipilian ng mga residente ng San Jose Del Monte (SDJM), Bulacan, kung ‘Tulog o Tubig’ sa kalbaryong inaabot nila mula sa palpak na serbisyo sa kanila ng PRIMEWATER na pagmamay-ari ng pamilyang Villar.
Ang reklamo ng mga residente ng SDJM, laban sa PRIMEWATER na bukod sa mahal ang singil ay palpak pa ang serbisyo nito ay nakarating na sa Palasyo ng Malakanyang.
Sa press briefing na pinangunahan ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, walang puwang sa administrasyong Marcos ang kakulangan sa serbisyo.
“Ang pangangailangan po ng tao sa malinis na tubig, sapat na supply ng tubig ay dapat lang pong nararapat ay hindi lang pang negosyo lamang kung hindi ito ay dapat na kinakalinga ang pangangailangan ng taumbayan,” ani Castro.
Sinabi naman ng mga grupong People’s Rights Network, Alliance for Consumers Protection (ACP), Water fo the People Network (WPN), Koalisyong Makabayan, Gabriela Women’s Partylist, Bayan Muna Partylist, Kabataan Partylist, Migrante Philippines at iba’t-ibang lokal na samahan sa San Jose Del Monte, Bulacan, magmula nang maitayo ang joint venture o sosyohan ng PrimeWater at ng San Jose Del Monte Water District noong 2018, ay naglabasan na ang napakaraming problema sa serbisyo ng tubig sa mga residente ng SJDM.
Nabatid na dalawa lang ang pinagpipilian ng mga residente ng SDJM kung matutulog ba sila o mag-aabang sa pagdating ng kanilang tubig sa buong magdamag.
Anila, bukod sa madalang na daloy ng tubig, marumi at hindi pwedeng inumin ito at napakamahal pa ng kanilang mga bayarin.
Dahil dito, nanawagan ang mga residente na itigil na ang pribatisasyon ng serbisyo sa tubig sa SJDM at sa lahat ng distrito at munisipalidad sa buong bansa, alisin ang mga mapaminsalang joint venture agreement at public private partnership sa mga ganid sa kapangyarihan at pera na mga oligarkiya.
Kaugnay nito, mag-iimbestiga na ang Palasyo ng Malakanyang sa reklamo laban sa PrimeWater Infrastructure Corporation na pagmamay-ari ng mga Villar.
Matatandaang ibinulgar sa pahayagang ito (ROADNEWS), na nawala ang murang bigas na ibinebenta ng National Food Authority (NFA) sa mga Bigasang Bayan sa mga merkado matapos na maipasa ang Rice Tariffication Law ni Senador Cynthia Villar nung 2019.
Si Villar ang principal author at nagpanukala ng Rice Tariffication Bill na kalaunan naging Rice Tariffication Law o ang Republic Act No. 11203.
Layunin umano ng batas ay mawala ang korapsyon sa NFA at matulungan ang mga magsasaka, subalit ang mga ito ay hindi natupad sapagkat mula noon hanggang ngayon ay hindi na bumaba ang presyo ng bigas sa bansa.
Simula umano ng maipasa ang R.A. No. 112203 ay nakontrol na ng traders ang presyuhan ng bigas sa buong kapuluan dahil nawala na ang kapangyarihan ng NFA na mag-import ng mga bigas sa ibang bansa.
Tinanggal din ng Rice Tariffication Law ang mga tungkulin ng NFA sa pagbibigay ng murang bigas sa mga mahihirap na mamimili at pagbibigay sa mga magsasaka ng suportang presyo kung sakaling bumaba nang husto ang farmgate prices.
Higit pang inalis ng batas ang opsyon ng gobyerno sa ilalim ng mga panuntunan ng WTO na muling magpataw ng quantitative restrictions sa mga pag-import kung kinakailangan, hindi lamang para sa bigas kundi para sa lahat ng iba pang pananim.
Dahil dito, lumabas sa isinagawang annual meeting ng National Convention and Policy Board (NPB ng Federation of the Free Farmers (FFF) at ang General Assembly and National Board of Director ng Federation of Free Farmers Cooperative (FFFC), at ipinawagan nilang ‘wag suportahan ang re-election sa pagka-Senador ni Cynthia Villar ilang taon na ang nakalipas, subalit ay nakalusot pa ito.
Ang pangyayaring ito ay nauulit ngayon sa kanyang anak na si Camille Villar na tumatakbo ring senador na ipinanawagan na ‘wag iboto ng mga Pilipino. Duda naman ang mga Pilipino na magkakaroon ng resulta ang isasagawang imbestigasyon ng Administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa reklamo laban sa PrimeWater dahil ang anak ng may-ari nito na si Camille Villar ay tumatakbong senador sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
(ROADNEWS INVESTIGATIVE TEAM)
