Itutuloy ng anak… KANDIDATURA NG PINATAY NA SI MAYOR JOEL RUMA
IPINAHAYAG ni Jamila Ruma, panganay na anak nang pinaslang na alkalde ng Rizal na si Mayor Joel Ruma, na ipagpapatuloy niya ang kandidatura ng kanyang ama bilang alkalde sa darating na halalan.
Ang pahayag na ito ay isinagawa kasabay ng pagdiriwang ng kaarawann sana ni Mayor Ruma noong Martes, Abril 29, 2025, matapos itong makapagsumite ng mga kaukulang dokumento sa Commission on Elections (COMELEC)-Rizal.
Matatandaan na binaril at pinatay ang alkalde noong Abril 23, 2025, habang nangangampanya sa Iluru, Rizal, Cagayan. Ayon sa pagsisiyasat ng PNP, sniper diumano ang bumaril sa alkalde.
Hinikayat ni Jamila ang publiko na patuloy na ipanalangin ang kanilang pamilya at ang hustisya para sa kanyang yumaong ama.
Sa isang public Facebook post, ibinahagi ni Jamila ang kanyang saloobin hinggil sa insidente, kung saan personal niyang nasaksihan ang karumal-dumal na pagpaslang sa kanyang ama, na ayon sa kanya ay isang trahedyang hindi kailanman mabubura sa kanyang alaala.
“Daddy, we still cannot accept the fact that you are gone now. Words cannot describe how much we are hurting. We are still in shock, but we are trying to stay strong because we know that’s what you would want us to do,” pahayag ni Jamila.
Samantala, si Jamila ay 21-taong gulang na itinuturing ngayong pinakabatang mayoralty candidate sa lalawigan ng Cagayan. Katuwang nito sa pagtakbo ang kanyang ina na si Atty. Brenda Ruma na tatakbo muli bilang bise-alkalde ng naturang bayan.
(Weng Torres)
