MARKO RUDIO, PINABILIB SINA PABLO AT STELL NG SB19!?

art t

HANGGANG ngayon, ay hindi pa rin makatkat sa ating ulirat ang ipinakitang world-class na performance ni Marko Rudio, sa nakaraang Huling Tapatan ng “Tawag ng Tanghalan All-Star Grand Resbak 2025” sa It’s Showtime noong Abril 26, 2025.

Mula sa 48 kalahok na  Grand Resbakers, natira ang anim (6) para sa Huling Tapatan  na sina Ian Manibale, Marko Rudio, Raven Heyres, Ayegee Paredes, Rachel Gabreza, at Charizze Arnigo na unang nagparinig ng kani-kanilang solo performance.

Sa anim na Grand Finalists, nangibabaw sina Charizze Arnigo, Ian Manibale at Marko Rudio, na nagparinig ng kanilang medley songs of their choice.

Si Marko ang unang nagparinig ng kanyang medley number na kanyang in-interpret ang tatlong awitin ng SB-19, na nagkataong guest hurados as one, sina Pablo at Stell ng nasabing K-Pop group.

Unang banat palang ng tubong San Nicolas, Pangasinan na mang-aawit sa piyesang MAPA, hindi na kumukurap at nakatuon ang kanilang mga mata sa performance ni Marko hanggang banatan nito ang GINTO at pinakahuli ang DAM.

Kitang-kita sa mukha nina Pablo at Stell ang paghanga sa ipinakitang performance ng tatay na singer cum composer sa isang 11-buwan na Marko Jr. At markado rin sa mukha ng iba pang hurado ang kanilang paghanga kabilang sina OPM prexy Ogie Alcasid, Divine Diva Zsa Zsa Padilla, Concert Queen Pops Fernandez, Asia’s Songbird, Regine Velasquez, Love Song Baladeer Marco Sison, Nyoy Volante, Asia’s Nightingale Lani Misalucha, Bituin Escalante at Punong Hurado Maestro Louie Ocampo.

Matapos magperform ang tatlong Grand Finalists, ang magwawagi ay nakabatay sa pinagsamang boto ng mga supporters at ng mga hurados na ang resulta ay si Charizze Arnigo ang nagkamit ng ikatlong puwesto at siya’y nag-uwi ng P100,000; ang pangalawa ay nasungkit ni Ian Manibale na nakatanggap naman ng P250,000; at ang Grand Champion ay si Marko Rudio na nag-uwi ng P1,000,000.00 kasama ang management contract ng Star Magic ng ABS-CBN, recording contract sa Star Music at ang prestihiyosong tropeo.

“Nu’ng nagre-rehearse ako, nalaman kong judge ang SB-19. Sabi ko, patay na…baka hindi ko makaya. Pero nu’ng nasa stage na ako, biglang tumaas ang adrenalin ko at nairaos ko ang aking performance,” pagbabalik-tanaw ng gifted singer cum song writer.

Walang pagsidlan ng kasiyahan ang rumehistro sa mukha ng bagong grand kampeon na panay ang punas sa kanyang luha sa mga mata. Matapos ang photo opps ng Grand Champion  ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime ay lumapit ito sa kanyang partner at buong katamisan silang nagpakita ng kanilang pagmamahalan sa harap ng mga manonood.

Matapos ang mga pa-selfie sa kanyang mga supporters sa loob ng TNT studio, agad namang umalis si Marko Rudio para tuparin ang kanyang singing commitment sa San Carlos City, Pangasinan. At nu’ng Martes, April 29,  sila ang opening production number sa Its Showtime kasama ang kanyang Banddogz Band at noong May 1, lumipad sila patungong Dubai para magtanghal doon kasama sina JM dela Cerna, Mariel Montellano, Jeremaiah Tiongco at iba pang performers.

Samantala, nasa Ika-9 na Taon na sa pagtuklas ng mga talentong pang-world class ang kalidad sa larangan ng pag-awti ang Tawag ng Tanghalan ng It’s Showtime ng ABS-CBN.

Ngayon palang ay marami na ang nagsasabing malayo ang mararating ng isang Marko Rudio sa larangan ng entertainment at marami siyang kakabugin pagdating sa pagpi-perform sa stage.

At hindi lang makikilala sa larangan ng pag-awit si Marko dahil meron din itong potential bilang mahusay na kompositor. At si Marko ay maalam tumugtog ng piano, gitara, pumapalo ng drums at marunong din siyang mag-areglo ng awitin.

“Sobra siyang (Marko Rudio) nakabibilib mag-perform. Bukod sa magandang lalaki, kakaiba ang ganda  ng kanyang boses at sa kanyang hitsura siya’y mabait,” singit ni Noel Suarez ng Daet, Camarines Norte. “Marami ang humanga sa kanya nu’ng kantahin niya ang tatlong kanta ng SB-19, samantalang 5 katao ang kumakanta nun. At sa mukha niya mararamdaman mong mabait siyang tao. Hangad kong huwag siyang maging mayabang gaya ng mga nagiging champion,” pahabol pa ni Noel.