2025 nagluluksa ang showbiz… PAALAM, RICKY DAVAO aka FREDERICK CHARLES CABALLES DAVAO
NAKALULUNGKOT na tila sunud-sunod ang paglisan ng mga showbiz personalities.
Nitong nakaraang buwan ng Marso at Abril ay apat na personalidad na ang namaalam kabilang ang veteran actress Delia Razon aka Lucy May G. Reyes (March 15), Asia’s Queen of Songs, Pilita Corrales (April 12), National Artist for Film and Broadcast Arts, Superstar Nora Aunor, 71, (April 16), at ang Kilabot ng mga Kolehiyala, Hajji Alejandro (April 22).
At nakabibigla ang balitang pumanaw na rin ang beteranong actor na si Ricky Davao o si Frederick Charles Caballes Davao, sa tunay na buhay, nitong Mayo Uno, 2025 sa edad na 63.
Maalalang nabalitaang na-diagnose ng isang malubhang karamdaman ang actor, na hindi isinapubliko ng kaniyang pamilya ang detalye.
Sinusulat ang balitang ito, sakit na cancer ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw, ayon sa kanyang pamilya.
Si Ricky Davao ay ikinasal sa actress na si Jackielou Blanco at biniyayaan sila ng tatlong anak na sina: Kenneth, Arabella at Rikki Mae. Biyenan ni Ricky ang yumaong si Pilita, ina nina Jackielou at Ramon Christopher Gutierrez. Siya ang nakababatang kapatid ni Bing Davao at anak ng yumaong beteranong actor na si Charlie Davao.
Sa mga pelikulang kanyang ginawa, napanood ko siya sa “American Adobo”, “Fuck Boys” ng Cinemalaya na rito ay tinanghal siyang Best Supporting Actor, at gumanap din siyang si Captain John sa produksyon ng Tanghalang Pilipino sa “Dalagang Bukid” sarswela taong 1987, na itinanghal sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
Kasama rin siya sa casts ng “Iadya Mo Kami” na obra ni Mel Chionglo (RIP), sa panulat ni Ricky Lee, National Artist for Literature, kabituin sina Allen Dizon, Eddie Garcia (RIP), Aiko Melendez, Diana Zubiri sa ilalim ng BG Productions International.
At bukod sa pag-arte at pagdi-direk sa pelikula, kinilala rin ang angking talento sa pagkanta ang isang Ricky Davao. Katunayan isa siya sa original soner sa concert na DOM o Dirty Old Music, kasama sina John Arcilla, Nonie Buencamino, Robert Seña, Michael Williams, na itinanghal sa Music Museum noong September. 2016.
Dahil sa kahusayan niyang artista, nagkamit na siya ng mga pagkilala mula sa iba’t ibang award award giving bodies na ang prominente ay nang gawaran si Ricky Davao ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) bilang Urian Best Actor sa obra ni Gil Portes (RIP), “Saranggola”, taong 1999. Gumanap din siya sa Cinemalaya entry na “Imbisibol” ni Lawrence Fajardo. Napasama rin siya sa “Bayaning Third World” ni Mike de Leon.
Paalam, Ricky Davao at mula rito sa Roadnews Arangkada sa Balita, ang aming taus-pusong pakikiramay sa kanyang inulilang pamilya mga kaibigan sa loob at labas ng pelikulang Pilipino.
Maluwalhating paglalakbay…Frederick Charles Caballes Davao.
(Art T. Tapalla)
