P/LtCol Bruno ng CIDG-WCCU Crame, Mabilis ang Aksyon!
Isang ginang ang lumapit sa atin upang humingi ng tulong, siya ay si ginang Lea (di-tunay na pangalan), kasalukuyang naninirahan sa San Carlos City Pangasinan. Humingi ito ng tulong na ma-rescue ang kanyang anak sa poder ng kanyang dating kinakasama na naninirahan sa Tayug, Pangasinan.
Pinagpapalo at tinutukan pa raw ng kutsilyo ang anak nitong si May (di-tunay na pangalan), menor-de-edad, ni Edwin Barsicula. Ang pagmamalupit na ito kay May ay naganap noong Mayo 29, 2025 sa ganap ng 9:30 ng gabi sa Brgy Legaspi. Nakapagsumbong agad ang bata sa kanyang ina, sa pamamagitan ng tawag, na kasalukuyang nasa San Carlos City.
Agad naman nating ipinagbigay alam ang kanilang problema sa himpilan ng pulisya para matugunan agad ang kanilang reklamo. Idinulog natin ang reklamo sa opisina ni P/Lt Col Marisa R. Bruno, hepe ng CIDG-WCCU sa Camp Crame para mabigyan agad ng aksyon.
Inirereklamo ni ginang Lea itong si Barsicula, dating kinakasama, sa pag papalo at panunutok ng kutsilyo sa anak nilang si May. Agad namang nag kasa ng imbestigasyon si Patrolman Aura Desire Asuncion, sa utos ni P/Lt Col Bruno, kaugnay ng reklamo. Matapos ang imbestigasyon ay nakipag-ugnayan agad si Pat Asuncion sa malapit na himpilan na nakakasakop na nasabing lugar.
Agad naman tumugon ang Woman and Children Desk ng Tayug PNP sa pamumuno ni PCMS Jonivic Castro kasama ang MSWD Officer na si Kleb Shiela Corpuz. Ikinasa nila ang operasyon at agad pinuntahan ang nasabing lugar, kung saan naroroon ang bata. Sa ganap ng 6:30 gabi ng Biyernes, hangang sa makuha nila ang bata at naibalik sa pangangalaga ng kanyang ina.
Napagalaman din natin na lagi din daw itong ginagawa ng ama sa kanyang anak at naidulog narin nila ito noon sa kapitan ng barangay ngunit tila walang aksyon si kap dahil sa pinsan nito ng inirereklamo.
Nagpapasalamat tayo sa maagap na aksyon na ginawa ng CIDG-WCCU Crame sa pamumuno ni P/Lt Col Marisa R. Bruno, CIDG P/Maj. Canapi ng CIDG Dagupan, mga CIDG Urdaneta, Tayug PNP, at Tayug MSWD.
Hindi pa kinakasuhan si Barsicula, at pinag-aaralan pa kung ano ang mga kasong posibleng isampa rito. Magkasama na ngayong mapayapang nanunuluyan ang mag-inang Lea at May sa syudad ng San Carlos.
Raymond Galicia nag-uulat para sa RoadNews


