Mababa pa ang lebel ng Magat Dam sa kabila ng pag-ulan dulot ng LPA at Habagat – NIA-MARIIS
Sa kabila ng mga pag-ulan na dala ng Habagat at Low Pressure Area (LPA), nananatiling mababa ang lebel ng tubig sa Magat Dam. Ayon kay Engineer Edwin Viernes, hepe ng Flood Forecasting and Instrumentation ng NIA-MARIIS, bagamat umulan sa Magat Watershed, hindi pa ito sapat para tumaas nang husto ang tubig sa dam.
Nitong mga nakaraang araw, nakaranas ng malalakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng Ifugao at Isabela, na sakop ng watershed ng Magat Dam. Gayunpaman, ang paglabas ng tubig mula sa dam ay nakatuon lamang sa irigasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka ng palay na nasa maintenance stage na ng kanilang pananim.
Sa kasalukuyan, ang lebel ng tubig ay nasa 9 meters below sa high water level ng dam. Ayon kay Viernes, ligtas pa ito para magpatuloy sila sa pagre-release ng tubig para sa irigasyon. Dahil panahon na ng tag-ulan, inaasahan nilang tataas pa ang lebel ng tubig sa darating na mga araw. Kapag nangyari ito, maaaring magamit ng power generating company ang mas malaking volume ng tubig para sa power generation.
Tiniyak din ni Viernes na hindi nila bubuksan ang spillway gate at ang anumang paglabas ng tubig ay dadaan lamang sa power generation.
(Weng Torres)

