Isabela, Ipinatupad ang Liquor Ban sa Harap ng Pagtama ng Bagyong Crising

Isabela, Hulyo 17, 2025 | Bilang paghahanda sa pagpasok ng Tropical Storm Crising, mahigpit na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang liquor ban sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Isabela. Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Provincial Ordinance No. 2020-13-1 na ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa panahon ng kalamidad.

Ayon sa pabatid ng Isabela Public Information Office (PIO), kasama sa mga lugar na pinagbabawalan ng pagbebenta, pagbili, at pag-inom ng mga nakalalasing na inumin ang mga bayan ng Maconacon, Divilacan, Palanan, at Dinapigue sa silangang bahagi ng lalawigan. Kasama rin dito ang San Pablo, Tumauini, Lungsod ng Ilagan, San Mariano, San Guillermo, Benito Soliven, Echague, Jones, San Agustin, Naguilian, Lungsod ng Cauayan, Angadanan, Gamu, Cabagan, at Reina Mercedes.

Layunin ng liquor ban na maiwasan ang mga posibleng aksidente at gawing mas maayos ang pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad habang may banta ng malakas na ulan at pagbaha. Hinihikayat ng pamahalaang panlalawigan ang lahat na sumunod sa patakaran upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

“Mag-ingat po tayong lahat at maging responsable. Ang pagtutulungan at pagsunod sa mga paalala ang susi upang ligtas tayong makalagpas sa bagyo,”

Patuloy na pinapaalalahanan ang publiko na manatiling updated sa mga anunsiyo ng lokal na pamahalaan at ng PAGASA para sa karagdagang impormasyon kaugnay sa panahon.

#IsabelaPIO #CrisingPH #LiquorBan #StaySafeIsabela

(Weng Torres)