Taal Volcano, Nagpakita ng Minor Phreatic Eruption; Alert Level 1 Nananatili
Nagkaroon ng minor phreatic eruption ang bulkan ng Taal sa loob ng Main Crater nitong hapon ngayong Huwebes, Hulyo 17, 2025. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naganap ang dalawang magkahiwalay na pagbuga ng singaw at abo sa ganap na 3:01 PM at 3:13 PM. Bagamat nasa Alert Level 1 pa rin ang bulkan, binabalaan ng mga eksperto na posible pa ang karagdagang phreatic explosions sa mga susunod na oras o araw.
Naitala rin ng PHIVOLCS ang patuloy na pagbuga ng sulfur dioxide (SO₂) na umaabot sa 504 tonelada kada araw bago ang eruption. Ang usok mula sa pagsabog ay umabot sa daan-daang metro ang taas at kumalat patungong hilagang-silangang bahagi ng bulkan. Kasabay nito, may naobserbahang bahagyang pag-impis sa Taal Caldera at panandaliang pamamaga sa timog-silangang bahagi ng Taal Volcano Island.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, partikular sa Main Crater at Daang Kastila fissures, dahil sa posibleng biglaang phreatic explosions, volcanic earthquakes, at pagkalat ng nakakalasong gas. Pinapayuhan ang mga residente sa paligid ng Batangas na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at PHIVOLCS.
Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon, at maglalabas ng karagdagang update kung may anumang pagbabago sa kondisyon ng bulkan.
(Tito Lucas)
