P620K Halaga ng Smuggled na Sigarilyo, Nasabat sa Nueva Vizcaya
Nasamsam ng mga awtoridad ang mga smuggled na sigarilyo na may tinatayang halagang ₱620,000 matapos maharang ang isang van sa isang checkpoint sa Barangay Tactac, Santa Fe, Nueva Vizcaya. Ang mga sigarilyo, na nagmula umano sa China, ay walang kaukulang dokumento at tax stamp.

(Photo Credit to 2nd MP, 205th MC, TMFB)
Ayon kay PLt. John Mark Aguinaldo ng 205th Mobile Company, nalaman ang ilegal na laman ng van nang hindi masagot ng driver ang mga tanong ng mga otoridad tungkol sa kanyang kargamento. Nakumpirma na ang 59 kahon ng sigarilyo ay ilegal at walang tamang papeles.
Dalawang indibidwal, kapwa taga-Cabanatuan City, Nueva Ecija, ang inaresto kaugnay ng insidente. Batay sa imbestigasyon, patungo sana ang mga ito sa Maddela, Quirino upang ihatid ang mga kontrabandong sigarilyo.
Kasalukuyang nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at RA 8424 o Tax Reform Act. Samantala, ang mga nasabat na sigarilyo ay nasa kustodiya ng Santa Fe PNP habang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pormal na pagsasampa ng kaso.
(Weng Torres)
