8 PATAY SA BANGGAAN NG TATLONG SASAKYAN SA ISABELA

AURORA, ISABELA | Walong katao ang nasawi at isa ang nasa koma matapos ang malagim na banggaan ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng Santiago-Tuguegarao Road sa Barangay San Pedro-San Pablo, Aurora, Isabela bandang 2:45 ng umaga nitong Sabado Hulyo 19, 2025.

Ayon kay Capt. Terrence Tomas, pansamantalang tagapagsalita ng Isabela police, ang aksidente ay kinasasangkutan ng isang 6-wheeler trak at dalawang van na pang-pasahero.

Kinilala ng mga awtoridad ang drayber ng trak na si October De Leon mula sa bayan ng Echague, habang ang dalawang van ay minamaneho nina Ron Ron Onalan at Oseas Calderon. Isa si Calderon sa mga nasawi at idineklarang dead on arrival sa Cabatuan Family Medical Hospital.

Kabilang din sa mga namatay ay sina Niches Heizle Cagayongan, Claribel Maling, Jing Romboa, at apat na hindi pa nakikilalang katao, pawang mga pasahero ng van na minamaneho ni Calderon. Lahat sila ay taga-Turod Bulog village sa Tabuk City, Kalinga.

Samantala, dalawa naman ang sugatan at isa ang nasa koma mula sa van na minamaneho ni Onalan.

Ayon sa imbestigador, papunta sa timog ang trak nang ito’y lumihis sa kabilang lane at tumama sa van na may 16 na pasahero na minamaneho ni Onalan, at sumalpok din sa kasunod na van na may siyam na sakay na minamaneho naman ni Calderon.

Patuloy ang imbestigasyon upang alamin ang tunay na sanhi ng trahedya.

(Weng Torres)