Pormal na Ideklara ang State of Calamity sa Cainta Dahil sa Matinding Pagbaha

Cainta, Rizal | Opisyal nang ideklara ni Mayor Kit Nieto at ng Sangguniang Bayan ang state of calamity sa buong bayan ng Cainta dahil sa tuluy-tuloy na pagbaha na sumalanta sa iba’t ibang barangay. Ayon sa lokal na pamahalaan, ang malawakang pag-apaw ng tubig ay dulot ng habagat at ng mga nagdaang bagyo, na nagdulot ng matinding pinsala sa kabuhayan at imprastraktura.

Sa isang emergency session, pinagtibay ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) at ng Sangguniang Bayan ang Resolution No. 2025-012 upang maglabas ng pondo at agarang tulong para sa mga apektadong residente. Ayon kay Mayor Nieto, mahigit anim na araw nang baha ang nararanasan sa mga mababang lugar, lalo na sa mga malapit sa ilog at drainage systems.

“Hirap na hirap na ang mga Caintenio at pati na rin ang mga karatig-probinsya. Kailangan nating kumilos nang mabilis para maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan,” pahayag ni Mayor Nieto sa kanyang Facebook post.

Kasabay nito, binabala rin ng lokal na pamahalaan ang posibleng pagdating ng dalawang low-pressure area (LPA) na maaaring magpalala pa ng sitwasyon. Inihanda na rin ang mga evacuation centers at relief operations para sa mga displaced families.

Ang deklarasyon ng state of calamity ay magbibigay-daan sa mas mabilis na pagtulong mula sa pambansa at lokal na disaster funds, pati na rin ang price control sa mga pangunahing bilihin.

Buboi Patriarca para sa RoadNews