Misteryosong Underwater Drone, Natagpuan ng mga Mangingisda sa Bolinao, Pangasinan

Ulat ni Edizon Cancino

BOLINAO, PANGASINAN | Isang kakaibang underwater drone ang natagpuan ng mga mangingisda sa karagatan malapit sa bayan ng Bolinao, Pangasinan noong Agosto 6, 2025. Ayon sa ulat, ang nasabing drone ay nakita nang nakalutang sa ibabaw ng tubig, humigit-kumulang 149 nautical miles northwest ng naturang bayan.

Ang drone, na kulay kahel at may sukat na 160 sentimetro ang haba at 20 pulgada ang lapad, ay agad na iniulat ng mga mangingisda sa Philippine Coast Guard (PCG) Substation sa Infanta. Kasunod nito, sila ay nagsumite ng notaryadong affidavit bilang bahagi ng opisyal na pag-uulat.

Batay sa pagsusuri ng mga awtoridad, ang naturang drone ay may bigat na 100 kilo at pinaghihinalaang ginagamit para sa intelligence-gathering operations. Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy, ang mga katulad na underwater drone na dating narekober sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay malamang na gawa sa China at posibleng bahagi ng isang malawak na operasyon ng pagmamanman.

Sa nakalipas na tatlong taon, hindi bababa sa anim na underwater drone ang nakuha sa iba’t ibang lugar tulad ng Ilocos Norte, Zambales, Calayan Island, at Misamis Oriental. Ang paulit-ulit na pagkakatuklas ng ganitong mga kagamitan ay nagdulot ng pag-aalala sa mga awtoridad ukol sa posibleng paniniktik sa teritoryong pandagat ng Pilipinas.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng mga eksperto ang drone upang matukoy ang tiyak na gamit at pinagmulan nito. Samantala, patuloy na pinapaalalahanan ang mga mangingisda at lokal na komunidad na agad na mag-ulat sa awtoridad kung may makatuklas ng anumang kakaibang bagay sa kanilang lugar.

Edizon Cancino naguulat para sa RoadNews

Photo Credit to PIO