MENOR DE EDAD NA TULAK, NAHULIAN NG P700-K HALAGA NG ILEGAL NA DROGA SA DAGUPAN
Ulat ni Edizon Cancino
DAGUPAN CITY | Nasabat ang isang menor de edad matapos siyang masangkot sa isang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Mayombo, Dagupan City. Ang 16-anyos na Grade 9 student ay itinuturing na high-value individual sa lokal na ilegal na drug trade.
Ayon sa ulat ng Dagupan City Police, narekober sa suspek ang 103 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P700,400. Kasama rin sa nasamsam ang P100,000 na ginamit na buy-bust money.
Agad na dinala ang binata sa Dagupan City Police Station para sa dokumentasyon at imbestigasyon. Batay sa proseso para sa mga menor de edad, inilipat siya sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) habang inihahanda ang mga nararapat na kaso laban sa kanya.
Pinuri ng mga otoridad ang matagumpay na operasyon, ngunit binigyang-diin ang pangamba sa paglahok ng kabataan sa ilegal na gawain. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang posibleng mga kasabwat at pinagmumulan ng droga.
Edizon Cancino Naguulat para sa RoadNews
