Katumbas ng 4% ng GDP, ilalaan ng Senado sa sektor ng edukasyon – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian na maglalaan ang Senado ng mas malaking badyet sa Department of Education (DepEd) upang masugpo kundi man tuluyang malutas ang lumalalang krisis sa sektor ng edukasyon.
Sa pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, na magiging education budget ang 2026 General Appropriations Act na ihahain sa Kongreso upang maglaan ng pondo na katumbas ng 4% ng Gross Domestic Product (GDP) upang labanan ang lumalala at lumalalim na krisis sa edukasyon.

Kailangan aniya na taasan ang badyet sa sektor ng edukasyon bilang pamuhunan ng pamahalaan sa kinabukasan ng bansa.
“Pipilitin nating umabot o lumagpas ng 4% ng GDP ang budget ng edukasyon dahil malaki ang kailangang pondo para masolusyunan ang krisis sa edukasyon. Hindi ibig sabihin na isasantabi na ang ibang sektor. Bibigyan lang natin ng prayoridad ang edukasyon,” ani Gatchalian.
Ayon sa mambabatas, ‘back to basics’ ang tututukan ng ilalaang pondo sa edukasyon, kung saan patatatagin ang literacy at numeracy mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Binigyang diin din ng mambabatas na popondohan ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Upang matugunan naman ang kakulangan sa classroom, iminumungkahi niya ang muling pagpapatupad ng counterpart program, kung saan paghahatian ng national government at local government units ang gastusin sa pagpapatayo ng mga classrooms.
Nais din ni Gatchalian ang pagha-hire ng mas maraming teacher aides upang mabawasan ang gawaing administratibo at iba pang non-teaching tasks ng guro.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
