CAYETANO: HIGIT SA TITULONG ‘BAYANI,’ TUNAY NA SUPORTA KAILANGAN NG OFWS

Ni Ernie Reyes

Tiniyak ni Senator Alan Peter Cayetano na mas lalo niyang palalakasin ang suporta sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa natitirang kalahati ng kanyang termino sa Senado, hindi lang sa pamamagitan ng batas kundi pati sa direkta at agarang mga serbisyo.

Sa isang episode ng kanyang gabing-gabing livestream na ‘CIA 365 with Kuya Alan,’ tumugon si Cayetano sa komento ng isang OFW viewer na nagpahayag ng suporta para sa kanya.

“Pabalik, I am hoping to do more for OFWs this term, this next three years,” ani Cayetano.

Bilang dating kalihim ng Department of Foreign Affairs mula 2017 hanggang 2018, iginiit ng senador na ang mga OFW ang bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas “through crisis after crisis.”

“Ang bumuhay talaga sa Pilipinas ay ‘yung remittances ng Pilipino, especially nung may crisis after crisis tayo,” dagdag pa niya.

Regular na binabati at kinukumusta ni Cayetano sa kanyang mga livestream ang mga OFW mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Wherever you go – to Bahrain, Qatar, Saudi – mataas tingin nila sa mga Pilipino. Grabe ang pagmamahal ng mga locals doon sa Pilipino,” ani Cayetano.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang DFA chief, isinulong ni Cayetano ang pagpapabilis ng passport processing para sa OFWs at pinalawak ang legal aid para sa mga OFW nang gawin niyang P1 billion ang Assistance to Nationals Fund.

Nanawagan naman ang senador sa mga kapwa pinuno sa gobyerno na gumawa ng mga konkretong aksyon para sa mga OFW, imbes na puro papuri.

“Paulit-ulit mong tinatawag na heroes, tapos wala ka namang ginagawa. Hindi puwedeng salita [lang] – dapat isabuhay,” giit niya.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews