Lacson lumikha ng ‘CORRUPTIONary’ mula sa katiwalian sa flood control projects
Ni Ernie Reyes
Ilan lamang ito sa unang mga salitang nakalap ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson sa kanyang “corruptionary” — isang diksyunaryo ng mga tiwaling gawain kaugnay ng mga iregularidad sa mga flood control projects sa iba’t ibang panig ng bansa.

Distinct. Reseta, Passing Through/Parking Fee, at Funders.
Binigyang-diin ni Lacson ang mga salitang ito sa kanyang privilege speech nitong Miyerkules ng hapon, kung saan idinetalye niya ang mga modus na humigop ng hindi bababa sa kalahati ng ₱1.9 trilyon mula sa kaban ng bayan sa nakalipas na 15 taon.
“In the course of our research and investigation, we encountered several words – their meanings, we could not find in the dictionary. So we looked somewhere else. Alas! We found them – in the ‘corruptionary,’” ani Lacson.
Ayon sa “corruptionary,” ang DISTINCT ay tumutukoy sa paulit-ulit na budget items na makikita sa General Appropriations Act na may pare-parehong contract cost.
Ibinunyag ni Lacson na ayon sa kanyang mga impormante mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang kontratista, ito ay isang uri ng “coded budget” na nagsisilbing palatandaan kung kanino ang proyekto.
“Para sa nakakaunawa, ang ibig sabihin po ay, – ‘akin yan,’” ani niya.
Binanggit niya ang ilang halimbawa ng ganitong “distinct” projects sa Bulacan First Engineering District na dating pinamunuan nina Henry Alcantara at Brice Hernandez, kung saan maraming riverbank protection structure projects ang parehong may contract price na ₱77.199 milyon — na kalaunan ay napatunayang mga ghost projects.
“This is well-orchestrated by an organized network of people who abuse their power. May isang grupo sa loob ng 1st District Engineering Office ng Bulacan na kilalang ‘sindikato’ ng mga substandard at ‘ghost’ projects. Ang kanilang modus, manghihiram ng lisensya sa mga suki nilang contractors. Gamit ang lisensya ng contractors, sila na ang mag-i-implement ng projects o kung hindi man, magpoproseso ng mga dokumento para lumabas na ‘completed’ na ang ghost projects,” paliwanag ni Lacson.
Ang ikalawang termino, RESETA, ay tumutukoy sa 2-3% kickback ng District Engineering Office — isang “sobrang” halaga mula sa tubo ng contractor.
Tinawag itong Reseta dahil ang halagang idinidikta ng district engineering office ay parang gamot na inireseta ng doktor.
“Parang gamot – lulunukin na lang ng contractor,” ani Lacson.
Ang pangatlong term, PASSING THROUGH/PARKING FEE, ay ang “royalty” na babayaran sa pulitikong may hawak sa distrito kung saan ipapatupad ang proyekto. Sakop nito ang 5 hanggang 6% ng project cost.
Samantala, ang ikaapat na termino, FUNDERS, ay tumutukoy sa mga pulitikong nagsusulong ng proyekto, na nakikinabang ng 20 hanggang 25 porsyento ng halaga ng proyekto.
Bilang halimbawa, binanggit ni Lacson ang isang “funder” na nakapagpasok ng ₱1.1 bilyon para sa flood control projects sa Barangay Mulawin, Naujan, Oriental Mindoro. Habang tatlong proyekto lamang na nagkakahalaga ng ₱810 milyon ang nakasaad sa National Expenditure Program, lumobo ito sa walong proyekto na nagkakahalaga ng ₱1.9 bilyon sa bersyon ng Kamara.
“The remaining P1.1 billion was inserted – I repeat – inserted in the House version, Mr. President,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Lacson na karaniwang may kasama nang 5% Value-Added Tax, 2% withholding tax, 1% bonds and insurances, at 1% materials testing ang flood control project costs, bukod pa sa 8-10% allowable contractor’s profit. Dapat sana, 82% ang natitira para sa mismong proyekto. Ngunit, ani Lacson, lalo pa itong nababawasan dahil hinahati-hati ng mga sumusunod:
* 8-10% para sa mga opisyal ng DPWH, kung saan hindi bababa sa 6% ang napupunta sa district engineers
* 2-3% para sa District Engineering Office
* 5-6% para sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee
* 0.5-1% para sa Commission on Audit
* 5-6% para sa “passing through” o “parking fee” para sa mga pulitikong may kontrol sa mga distrito kung saan ipinatutupad ang proyekto
* 20-25% para sa funder o mga pulitikong nagsusulong ng proyekto
Kasunod ng mga ibinunyag na anomalya, muling nanawagan si Lacson ng “greed control.” Giit niya, dapat nang tukuyin at itala ang mga mambabatas na nagsusulong ng insertions sa budget, “so they can also be made answerable for substandard and ghost projects that they had proposed or sponsored.”
“The depth of corruption has become so overwhelming that it drowns us in our sad state: More than flood control, what the Filipino people badly need to see is greed control,” aniya.
