Pagkalat ng mga Asong Gala sa Batasan Hills, Nakababahala!

Ni STF July Fajz

Batasan Hills, Quezon City – Nagpahayag ng malalim na pag-aalala ang mga residente ng Barangay Batasan Hills dahil sa mabilis na pagdami ng mga asong gala sa kanilang lugar, na nagdudulot ng banta sa kaligtasan at kalusugan ng komunidad.

Ayon sa mga residenteng nakapanayam ng Roadnews Correspondent at Sarge Taskforce, ang mga aso ay malayang gumagala sa mga kalsada at eskinita, na nagdudulot ng pangamba sa mga naninirahan. Ang sitwasyong ito ay hindi lamang nakakaapekto sa kapayapaan at kaayusan ng komunidad, kundi pati na rin sa pisikal na kalusugan ng mga tao.

Banta sa Kalusugan at Kaligtasan Pinangangambahan ng mga residente ang peligro ng pagkagat ng mga aso na maaaring magdulot ng nakamamatay na sakit na rabies.Bukod dito, ang mga dumi o tae na ikinakalat ng mga hayop ay maaaring maging pinagmulan ng mga parasitiko at iba pang sakit, na lalong nagpapalala sa banta sa kalusugan ng publiko.

“Ang masakit pa nito, hindi mo alam kung sino ang may-ari ng mga asong gala,” ayon sa isang residente.

Panawagan para sa Aksyon nananawagan ang mga residente sa barangay at sa kinauukulan na magkaroon ng agarang programa upang masolusyunan ang problema. Hinihiling nila na maipaabot sa mga nag-aalaga ng hayop, maging ito man ay aso o pusa, na maging responsable at huwag pabayaang magpagala-gala ang kanilang mga alaga.

Iginiit ng mga residente na kailangan ng agarang aksyon upang maiwasan ang anumang masamang pangyayari at mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng kanilang komunidad.

Naguulat Sarge TF July Fajz para sa RoadNews