MAS MARAMING PINOY MAKIKINABANG SA FULL ROLL-OUT NG FREE WiFi LAW – AQUINO

Ni Ernie Reyes

Binigyang-diin ni Senador Bam Aquino na mas maraming karaniwang Pilipino ang makikinabang sa buong pagpapatupad ng Republic Act 10929, o ang Free Internet Access in Public Places Act, lalo na iyong hindi kayang magbayad ng internet.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology, na kanyang namumuno, sinabi ni Aquino na pangunahing pangangailangan na ang maaasahang internet access para sa edukasyon, trabaho, at pang-araw-araw na buhay, at dapat itong maging available sa mga paaralan, palengke, ospital, transport hubs, at mga tanggapan ng pamahalaan sa buong bansa.

“Sa pag-push natin para ma-implementa ang batas na Free WiFi, lahat ng Pilipino dapat makinabang dito. Dahil ang access sa internet ay access sa kaalaman. Access sa pag-angat ng ating buhay,” ani Aquino, na pangunahing sponsor at co-author ng RA 10929 noong 2017 sa kanyang termino bilang chairperson ng Committee on Science and Technology.

Ayon pa kay Aquino, hindi lang mga estudyante at guro ang makinabang sa Free WiFI kundi pati na rin ang mga commuter, negosyante, at mga pamilya na umaasa sa maaasahang koneksyon para sa impormasyon, paglago ng negosyo, at komunikasyon.

“Iyan po ang nakalagay sa ating batas, iyan po ang nasa puso ng ating batas, na marami po sa atin dito ang nagbuo rin ng batas na iyan. Nais po natin makita na implemented, maayos, at napakikinabangan ang batas natin,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Aquino na kinakailangan ng malinaw na master plan at sapat na pondo upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng batas, kasama ang malinaw na responsibilidad at sapat na suporta sa pondo para sa mga ahensya ng pamahalaan.

“Ang unang hakbang para ma-fast track natin ito ay malaman natin kung ano ba ang mga plano, mayroon bang pondo, ano bang responsibilidad ng bawat ahensya dito sa pagpapatupad ng Free Internet Access Program in Public Places Act,” ani Aquino.

Samantala, hinikayat ni Aquino ang telecommunications companies na bigyan ng diskuwento sa internet rates ang Department of Education (DepEd) upang makatulong sa pagbawas ng pasanin sa connectivity ng mga pampublikong paaralan.

“Iyong mga schools natin, kanya-kanya silang subscription. How about we consider coming up with a bulk deal with our telco partners?” tanong ni Aquino matapos ilahad na 2,872 lamang sa 58,121 na pampublikong paaralan ang kasalukuyang konektado sa Free WiFi program, na nag-iiwan sa karamihan na nakaasa sa pribadong telecommunications providers para sa internet access.

Nagpahayag naman ang mga kinatawan mula sa telecommunications firms na dumalo sa pagdinig ng kahandaang magbigay ng diskuwento sa DepEd para sa internet connection sa mga pampublikong paaralan.

Samantala, nangako ang DICT na ikokonekta sa libreng internet program bago matapos ang taon ang natitirang 11,964 na hindi pa konektadong pampublikong paaralan na nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA). 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews