Pondo sa Libreng Kolehiyo ng 2.27M SUC Students Sa 2026, PINATITIYAK SA KONGRESO
Ni Ernie Reyes
Nanawagan si Senador Bam Aquino na tiyaking sapat na pondo para sa humigit-kumulang 2.27 milyong estudyante sa lahat ng State Universities and Colleges (SUCs) para sa 2026.
Kaugnay nito, hinikayat niya ang Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Higher Education (CHED) na magtulungan upang matiyak na ang enrollment projections sa SUCs ay tumutugma sa pondong nakalaan sa 2026 national budget at mga susunod pang appropriations.

Isinagawa ni Aquino ang pahayag sa budget hearing ng SUCs matapos ipabatid ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) na madaragdagan ng 300,000 ang 1.97 milyong kasalukuyang estudyante sa SUCs sa 2026.
Subalit hindi tumutugma ang datos ng DBM sa mga pagtayang ito, na nagreresulta sa ₱3.29-bilyong kakulangan sa pondo para sa 2026.
“Para sa 2026 budget, we have to agree. Iyong projection at iyong budget na ibibigay, dapat tumutugma siya,” ani Aquino, na iginiit ang pangangailangang tiyakin na ang enrollment projections kada SUC at ang kaakibat nitong pondo para sa Free Higher Education (FHE) ay magkatugma.
“Moving forward, iyong projections per SUC at iyong kaakibat na FHE funding should match para walang sisihan. Huwag tayong pumayag na bababa ang enrollment. Dapat pataas ang enrollment because that’s really where we want to go,” diin ni Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education at principal sponsor ng Free College Law o Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931).
“Itong deficiency na ito, we want to see this gap closed,” dagdag pa niya, kasabay ng pagbanggit na bukas ang Committee on Finance, na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatchalian, na tugunan ang naturang kakulangan.
Kasabay nito, tiniyak ni Aquino sa mga SUC na ibabalik ng komite ang ₱12.3-bilyong budget deficit at bibigyan sila ng sapat na pondo sa ilalim ng 2026 national budget, kabilang ang capital outlay, maintenance and other operating expenses (MOOE), at personal services.
“We will do our best to make sure na mapondohan po kayo, iyong deficiencies na matagal na rin nasabi sa akin, iyong kakulangan sa tulong sa ating mga eskwelahan at iyong suporta na diretso sa mga estudyante po natin. We will do our best to restore those amounts and increase those amounts para mas marami pa pong matutulungan,” aniya.
“Kami po dito from the first day, marami po sa amin, and of course supported by Chairman Gatchalian, sinabi na po namin na kung aalisin ang flood control, dapat pumunta sa edukasyon. We will make sure that support goes to basic and higher education,” dagdag pa niya.
Samantala, pinuri ni Aquino ang SUCs sa kanilang mahalagang papel sa pag-angat ng mga pamilya at komunidad sa pamamagitan ng edukasyon. Aniya, noong panahon ng kampanya, maraming estudyante at magulang ang nagbahagi sa kanya kung paano tinulungan ng SUCs ang kanilang mga anak na maabot ang kanilang mga pangarap na kurso.
“Nakita ko po iyon sa mga buwan ng aming pangangampanya at gusto ko lang ibahagi sa inyo—iyan ang bunga ng lahat ng kapaguran natin. Lahat ng tulong na ibinigay natin sa mga estudyante ay nagbunga na, at ngayon marami na sa kanila ang may trabaho at maayos na ang pamumuhay,” pahayag ni Aquino.
“If we continue this program and provide even more funding, mas marami pa tayong matutulungan,” dagdag pa niya.
