Cayetano nanawagan ng paglikha ng TF para sa science-based flood control  

0

Ni Ernie Reyes

Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na bumuo ang pamahalaan ng isang task force na kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Science and Technology (DOST) upang matiyak na ang mga flood-control project ng gobyerno ay nakabatay sa siyensya at hindi sa pulitika.

Inihayag ito ni Cayetano kasunod ng pagbubunyag ng DENR sa isang budget hearing nitong linggo na may natuklasan silang flood-control structures ng DPWH na “poorly situated” o nasa maling lugar kaya imbes na makatulong ay pinalala pa ang baha.

Ibinunyag din ng DENR na sinubukan nitong ihain sa DPWH noong nakaraang taon ang isang draft flood-control master plan. Nakatuon ito sa watershed management, nature-based solutions, at risk-sensitive planning, subalit hindi ito kinonsidera ng DPWH.

Nagpahayag ng suporta si Cayetano sa komprehensibong plano ng DENR. Punto niya, dapat isinasalang-alang sa lahat ng public works project – maging ito man ay flood-control structure, kalsada, o reclamation site – ang kabuuang kondisyon ng kapaligiran gaya ng daluyan ng tubig, watershed, mga kalapit na istruktura, at natural na agos ng tubig.

“Damay-damay po ‘yan,” wika ni Cayetano. “Kung napansin niyo po, ilang beses itinaas ang MacArthur Highway pero hindi naman in-upgrade y’ung iba. Kaya y’ung tubig wala talagang pupuntahan.”

Babala pa niya, uulit at uulit lang ang baha kung hindi magiging coordinated at science-based ang approach.

“Build lang nang build, pero actually tinatabunan lang natin y’ung maling gawa,” aniya.

Dahil dito, hinimok ni Cayetano ang gobyerno na magbuo ng task force kung saan magiging pangunahing miyembro ang DENR at DOST upang magkaroon ng iisang pambansang direksyon sa flood control at matiyak na ang pondo ay napupunta sa mga proyektong tunay na makakapigil sa pagbaha.

Suportado niya ang pagpapatuloy ng hazard mapping at paggamit ng nature-based solutions, at iminungkahing ilaan sa mga programang ito ang bahagi ng pondo na karaniwang napupunta sa flood-control infrastructure ng DPWH.

“If you spend at most P40 billion on hazard mapping that informs where not to build and which river to protect, you may not need hundreds of billions in flood control in the future,” sabi niya.

Matatandaang mula pa noong 2023 ay paulit-ulit nang nananawagan si Cayetano na makipagtrabaho nang malapit ang DPWH sa mga science agencies kaysa umasa sa political inputs sa pagpili ng proyekto.

Inatasan na ni Senate Finance Committee chair Sherwin Gatchalian ang DENR na iharap ang kanilang master plan sa pagpapatuloy ng budget hearing ng DPWH sa Lunes.

Ernie Reyes mag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *