DPWH naglaan ng P50B unprogrammed funds sa 2024 infra projects – Lacson

0

Ni Ernie Reyes

Ibinulgar ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes na hindi bababa sa P50 bilyon mula sa unprogrammed appropriations ng 2024 budget ang inilaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga proyektong imprastraktura — kabilang ang P30 bilyon na napunta sa mga flood control projects lamang.

Ani Lacson, malinaw itong patunay na tila nasanay na ang ilang opisyal ng DPWH na hindi sumunod sa master plan ng pamahalaan pagdating sa pagpapatupad ng mga proyekto.

“Sa 2024, nakita ko ang dokumento, ang hinugot nila from unprogrammed appropriations, pumapalo ng P50B at P30B ang nakalagak sa flood control projects. Ibig sabihin nawili sila sa flood control projects na di tumatama sa master plan,” ani Lacson sa panayam ng DZBB.

“Ang unprogrammed appropriations, sinabog kung saang distrito para gumawa ng flood control projects. Talagang naabuso. Kasi nandiyan ang suki nila, suki ng mambabatas sa DPWH kaya tinambakan nila kaya naungusan ang education sector.. Kaya sa 2025 tinodo nila, yan ang masama kasi nawili, kaya sumabog,” dagdag niya.

Sang-ayon si Lacson sa mga repormang ipinatutupad ngayon ni DPWH Secretary Vince Dizon upang muling ituwid ang mga proyekto ayon sa master plan ng gobyerno, pati na rin sa polisiya ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na hindi pondohan ang mga proyektong labas sa planong ito.

Binigyang-diin din ni Lacson na kailangang tuldukan na ang practice ng DPWH sa paglalaro sa pondo ng bayan, lalo na ang pagpapalit ng proyekto na maituturing na technical malversation.

“Pag nagpasa kami ng budget itemized yan… Pag iniba mo ang paglalagakan ng pondo, technical malversation yan, act pa lang, wala pang ninanakaw. Kung may nakalagak na pondo para sa proyekto dapat stick sa project na yan. Pag ito di magagawa for some reason papasok sa savings yan,” paliwanag ni Lacson.

Pag-aalis ng P42B ‘Ayuda’ sa Unprogrammed Appropriations

Sinabi rin ni Lacson na magiging matatag ang Senado sa pagtanggal ng P42 bilyong nakalaan para sa mga programang “ayuda” o social assistance mula sa unprogrammed appropriations ng 2026 budget bill, at panatilihin lamang ang pondo para sa mga foreign-assisted projects.

“Uncompromising kami diyan. Ang Senado uncompromising… Especially nagtira ang House sa unprogrammed appropriations ng ayuda. Ang naiwan doon P42 billion, tatanggalin namin yan,” ani Lacson sa panayam sa One News. “Mahabang usapan sa bicam pero nagusap kami di pwede sa unprogrammed appropriations ang ayuda. Ilagay natin sa regular budget.”

Giit ni Lacson, na kilala bilang matiyaga at matalas sa pagsusuri ng badyet, ito rin ang pinaninindigan nina Senate President Vicente Sotto III, Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian, at karamihan sa mga kasapi ng majority bloc.

Pinuri rin ni Lacson si Gatchalian sa mahusay nitong pangangasiwa ng mga pagdinig ng komite sa badyet. Sinabi niyang bagama’t hindi siya personal na nakadalo dahil sa kanyang paggaling mula sa isang operasyon, sinubaybayan niya ang mga pagdinig online.

“Maganda ang kanyang pagaaral. Scrutiny niya maraming nalabas na maanomalya, questionable, red flag. I take my hat off to him,” ani Lacson. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *