EMPLOYMENT PROGRAM sa SHS grads, PINATUTUKAN ni Gatchalian sa DOLE
Ni Ernie Reyes
Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tiyaking makakatulong ang Special Program for Employment of Students (SPES) sa kahandaan ng mga mag-aaral sa senior high school na makapagtrabaho.
Binalikan ni Gatchalian ang isang ulat ng International Initiative for Impact Evaluation noong 2020, kung saan lumabas na walang epekto ang SPES sa academic outcomes at kahandaan ng mga mag-aaral sa trabaho.

Ipinapatupad ng DOLE ang SPES sa tulong ng mga local government units (LGUs) upang bigyan ng pansamantalang trabaho ang mga mag-aaral tuwing bakasyon. Para sa 2026, P800 milyon ang nakalaan para sa programa.
“Kung maiuugnay natin ang SPES sa ating mga mag-aaral sa senior high school, mabibigyan natin sila ng trabaho,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Ayon kay Labor Undersecretary Carmela Torres, sinisiguro ng DOLE na ang mga work assignment ng mga mag–aaral ay nakakapagbigay ng practical work experience, life skills, at makabuluhang exposure sa trabaho.
Dadgag ni Gatchalian, makatutulong ang SPES upang tugunan ang pagkadismaya ng mga Pilipino sa senior high school.
Noong 2024, tinulungan ng DOLE ang 84,745 na mga benepisyaryo ng SPES.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
