MALAWAKANG PAGBABAWAS SA GASTOS NG IMPRASTRAKTURA, INIUTOS NG PANGULO
Naghain ng mahigpit na utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na bawasan nang malaki ang mga gastusin sa proyektong imprastruktura upang puksain ang korapsyon sa burukrasya.
Matapos atasan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpatupad ng mga hakbang sa pagbabawas ng gastos, inutusan na rin ng Pangulo ang Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), Department of Transportation (DOTr), at National Irrigation Administration (NIA) na gawin ang parehong bagay. Bago umalis patungong South Korea noong Huwebes, Oktubre 30, sinabihan ni Marcos ang mga ahensyang ito na agad na sundin ang parehong sistema ng pagpepresyo gaya ng sa DPWH.

Giit ng Pangulo, layunin ng hakbang na ito na linisin ang burukrasya mula sa korapsyon. Dagdag pa niya, kasabay ng mga pagsisikap na palakasin ang posisyon ng Pilipinas sa rehiyon at akitin ang mga pamumuhunan, patuloy ang pamahalaan sa pagsugpo sa korapsyon, sapagkat tanging isang transparent na pamahalaan lamang ang makapagpapatayo ng isang patas na ekonomiya.
Ayon kay Marcos, kasalukuyang nagsasaayos ang DPWH ng mga gastusin sa proyekto upang umayon sa mga totoong presyo sa pamilihan at pinabababa ang mga ito hanggang 50 porsiyento. Tiniyak naman ng Pangulo na sa kabila ng pagbabawas ng gastos, hindi naman makompromiso ang kalidad ng mga proyektong imprastruktura.
Malinaw na sinabi ni Marcos na ang kalidad ng mga ipapatayong proyekto ay hindi magiging kapalit, at ang tanging pahihinaan lamang ay ang korapsyon. Ito aniya ang pananagutang nararapat para sa mga mamamayan.
Binanggit din ng Pangulo na noong Oktubre 25, muling ipinangako ng kanyang administrasyon na bantayan ang bawat pisong ipinagkatiwala sa kanila at isauli ito sa mga mamamayan sa anyo ng pag-unlad na kanilang makikita at mararamdaman. Kapag pinangalagaan at dinisiplina ang paggasta ng pondo, aniya, bumababa ang mga presyo, dumarami ang mga oportunidad, at umuunlad ang mga komunidad.
Bago ang kanyang pag-alis patungong Malaysia noong Oktubre 25 para sa 47th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, inatasan na ng Pangulo ang DPWH na bawasan ang mga gastusin sa materyales sa konstruksiyon hanggang 50 porsiyento. Aniya, ang inaasahang matitipid na hindi bababa sa P30 hanggang P45 bilyon ay ilalaan sa mga mahahalagang sektor tulad ng kalusugan, edukasyon, at pagkain.
Ang anumang matitipid na pondo ay mapupunta sa mga programang magpapaunlad sa pamilya, magsusustento sa kabuhayan, at magpapatatag sa mga komunidad. Kapag ang mga mamamayan ay lumago sa kakayahan at kumpiyansa, sabi ni Marcos, lumalago rin ang bansa kasabay nila. Mula sa isang pamahalaang nagpupugay sa tiwala ng publiko, at isang bansang naninindigan sa integridad, ito aniya ang pangako ng kanyang pamahalaan: isang tunay na pagbabago para sa bawat Pilipino ngayon at para sa mga susunod na henerasyon.
Darwell Baldos nag-uulat para sa RoadNews
