PHILIPPINE RED CROSS HANDANG-HANDA SA UNDAS 2025; 2,200 FIRST AIDERS NAKAALERTO

0

MANDALUYONG CITY | Tiniyak ng Philippine Red Cross (PRC) na handa ito para sa paggunita ng Undas 2025, sa pamamagitan ng pagpapakalat ng 2,200 first aiders mula sa 92 chapters na sasaklaw sa 314 lugar sa buong bansa.

Ayon sa PRC, magtatayo sila ng 284 First Aid Stations at 141 Welfare Desks sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Kabilang sa mga lugar na sakop ng operasyon ang 246 sementeryo, 23 chapter offices, 14 bus terminals, 11 pantalan, 8 pangunahing kalsada, 4 command posts, 3 gasolinahan, 2 paliparan, 2 barangay hall, isang simbahan, at isang istasyon ng tren.

Bilang bahagi ng operasyon, lahat ng 180 ambulansya ng PRC ay ipapagamit, kung saan 63 dito ay ide-deploy sa mga pangunahing lugar habang ang iba naman ay naka-standby para sa agarang tugon. Kasama rin sa ilalagay sa operasyon ang 58 service vehicles, 100 foot patrol units, at 2,200 trained first aiders upang masiguro ang mabilis na aksyon sa anumang insidente.

Inaasahang itatayo ang karamihan sa mga istasyon ngayong Huwebes, Oktubre 30, habang may ilan namang maagang magbubukas upang tugunan ang mga unang bumibisita sa sementeryo. Tatagal ang operasyon ng PRC hanggang Linggo, Nobyembre 2.

Ayon kay PRC Chairman at CEO Dick Gordon, nakahanda ang Red Cross na tumugon sa pangangailangan ng publiko ngayong Undas.

“Habang nagkakatipon ang mga pamilya upang alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay, handa ang Philippine Red Cross na maglingkod. Nakaantabay ang ating mga volunteers, staff, at kagamitan upang matiyak na ligtas at maayos ang paggunita ng bawat Pilipino.”

Samantala, pinaalalahanan naman ni PRC Secretary General Dr. Gwen Pang ang publiko na manatiling maingat at alerto.

“Hinihikayat namin ang lahat na mag-ingat sa pag-alis ng bahay — siguraduhing nakapatay ang mga de-kuryenteng kagamitan, naka-lock ang mga pinto, at huwag iwanang nakasindi ang kandila. Dahil inaasahan ang bigat ng daloy ng tao at trapiko, magdala ng sariling *first aid kit* at iba pang mahahalagang gamit.”

Habang milyon-milyong Pilipino ang maglalakbay upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay, pinaalalahanan ng PRC ang publiko na maging ligtas sa daan at sa bahay. Planuhin ang ruta ng maaga, manatiling alerto, at huwag kalimutang magdala ng mahahalagang gamit at first aid kit.

Para sa mga aalis ng tahanan, ipinapayo ng PRC na tiyaking ligtas at nakasara ang lahat ng pintuan at bintana, iwasang mag-post ng travel plans sa social media, at siguraduhing madaling ma-access ang mga emergency contacts.

Sa pagsunod sa mga paalalang ito, makakamit ng bawat pamilya ang isang payapa at ligtas na paggunita ng Undas.

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa PRC Undas 2025 Operations, bisitahin ang mga opisyal na social media page ng Philippine Red Cross.

Sa oras ng emerhensiya, tumawag sa PRC Hotline #143.

Philippine Red Cross — Always First, Always Ready, Always There.

Buboi Patriarca nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *