Defensor, kinondena sa panloloko sa kustodiya ng flood control scam witness
Ni Ernie Reyes
Hanggang saan pa aabot ang panloloko?
Ito ang tanong ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes matapos niyang tawagin na kasinungalingan ang pahayag na ang dating T/Sgt. Orly Guteza ay nasa kustodiya umano ng Philippine Marines.
Ani Lacson, mismong si Philippine Marines Commandant Maj. Gen. Vincent Blanco III ang nagkumpirmang hindi kailanman napasailalim sa kustodiya ng Marines si Guteza, taliwas sa sinabing ito ng dating Rep. Michael Defensor.

“As per verification made with the Marine Commandant, MGen Vince Blanco (PMA Cl ’91), through fellow cavaliers, Guteza is not and has never been under their custody. How much more fakery can we take?” ani Lacson sa isang post sa X.
Noong Miyerkules, sinabi ni Defensor sa isang panayam sa telebisyon na nasa kustodiya umano ng Marines si Guteza. Ipinrisinta si Guteza bilang “saksi” sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 25 ni Sen. Rodante Marcoleta, na nagsabing si Defensor ang nagpakilala kay Guteza sa kanya.
Ibinunyag din ni Lacson na nakita ng Executive Judge ng Manila Regional Trial Court na hindi tugma ang pirma sa notarized affidavit ni Guteza sa pirma ng abogadang si Petchie Espera. Inirekomenda ng hukom na isailalim sa preliminary investigation si Guteza at ang mga nagsumite ng kanyang affidavit para sa posibleng kasong falsification.
Dagdag pa ni Lacson, lumabas sa CCTV footage ng Senado na dumating si Guteza sa Senado noong Setyembre 25 ganap na 8:27 a.m. at tumigil muna sa opisina ni Marcoleta ng halos 30 minuto bago bumaba sa gallery ng session hall kung saan ginaganap ang pagdinig.
Nauna nang inangkin ni Guteza na naghatid siya ng mga maleta ng pera sa mga bahay ng dating Kinatawan na si Elizaldy Co at dating Speaker Martin Romualdez — na itinanggi ni Romualdez.
Binigyang-diin ni Lacson na bagaman nananatiling balido ang testimonya ni Guteza sa Blue Ribbon Committee, maaaring maapektuhan ng mga bagong pangyayari ang kanyang kredibilidad.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
