Bam: CADENA Act nakatutok vs corruption: ‘Buwis protektado’

0

Ni Ernie Reyes

Iginiit ni Senador Bam Aquino na nakatutok ang Community Access to Digital and Electronic National Accounts (CADENA) Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Act, na magsisilbing sandata laban sa katiwalian.

Sinabi ni Aquino na pangunahing obhektibo ng panukala na proteksiyunan ang pinaghirapng buwis ng taumbayan sa pamamagitan ng transparency sa paggasta ng pamahalaan.

Sa isang pahayag sa Senate Committee on Science and Technology hearing ukol sa CADENA Act, sinabi ni Aquino na layon ng panukala na atasan ang paglalabas ng lahat ng dokumento sa mga transaksyon ng gobyerno sa tamper-proof digital public ledger system, para masubaybayan ng publiko kung paano ginagamit ang pondo ng bayan.

“Iyong konsepto ng full disclosure, naging Blockchain the Budget, na iyong unang version natin. Ngayon po na marami nang nagkomento, si Blockchain the Budget, ngayon po ay CADENA Act na ang tawag natin. Nagbabago po ang versions na hinahanap natin pero iisa pa rin ang konsepto, na ang pera ng bayan dapat pinangangalagaan,” ani Aquino.

“Iyong pera ng bayan, hindi dapat ninanakaw, dapat napupunta sa tama. Iyong pera ng bayan, may karapatan ang mamamayan kung saan napupunta ang perang pinaghirapan at buwis na binibigay buwan-buwan,” dagdag pa niya.

Kapag naisabatas, sinabi ni Aquino na bibigyan ng CADENA Act ang publiko ng direktang paraan upang ma-monitor kung paano ginagastos ng pamahalaan ang kanilang pinaghirapang buwis, hanggang sa huling sentimo.

“Sa atin pong batas, may paraan na ang taumbayan para makita kaagad kung saan at paano ginagastos ang kanilang buwis at pera ng bayan. Sa atin pong batas, nasa tao ang kapangyarihan na bantayan ang kanilang gobyerno,” binigyang diin ni Aquino.

Ayon sa mambabatas, lalakas ang antas ng transparency sa pamahalaan dahil kasama rin sa panukala ang pagbibigay ng detalye ng mga proyekto, kabilang ang aktwal na presyo ng mga materyales.

“Ang pagbulatlat ng mga pinagagastusan hanggang sa presyo ng materyales, iyan po ang level of transparency na hinahanap po natin at iyan rin po ang pinakamalakas nating sandata laban po sa korapsyon at sa pagnanakaw sa ating bansa,” sabi ni Aquino.

“Karapatan po ng bawat Pilipino malaman kung saan nagagamit ang pera ng bayan. Kaya kung seryoso tayo sa laban sa korapsyon, simulan po natin sa pinakasimpleng solusyon: ipakita po sa taumbayan kung saan napupunta ang pinaghirapan pong pera nila,” dagdag pa niya.

Nauna nang nangako ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na maisasakatuparan ang CADENA Act sa loob lamang ng isang budget cycle kapag ito’y naisabatas.

“Sec. Henry (Aguda), itong pangarap ko na lahat ng mga budget documents ay malalagay sa blockchain at available sila sa tao. In the version that we have now in the committee, it’s a three-year timeline. Tingin niyo po ba masyadong mahaba iyong three years na timeline, Secretary?” tanong ni Aquino kay Aguda sa pagdinig ng budget ng DICT.

“Dapat one year lang para tapos na sa isang budget cycle,” tugon ni Aguda, na nagpahayag ng kumpiyansa na handa na ang mga ahensya ng gobyerno na gamitin ang teknolohiyang blockchain para sa mas mataas na transparency at accountability.

“I’ve seen this in almost all departments right now. To them, kailangang mag-digitize na and mataas ang reception nila in welcoming the use of blockchain. Any digital solution that will give their agency a fighting chance against corruption, mabilis po nilang ina-adopt,” dagdag pa ni Aguda.

Pinuri ni Aquino ang matibay na pangako ng DICT, at sinabing ang paglalagay ng pambansang budget sa blockchain ay makatitiyak ng maayos at transparent na paggamit ng pondo ng bayan, hanggang sa kahuli-hulihang piso. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *