Bukod sa paglalaan ng pondo, ICI gagawin pang ‘bulletproof’ sa Senado – Cayetano

0

Ni Ernie Reyes

Suportado ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pangako ni President Ferdinand Marcos Jr. na pondohan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), ngunit kailangan pa rin ng batas upang maging “bulletproof” at independent ang ahensya sa pagsugpo ng korapsyon.

“We have to find a way na mas mabilis ang imbestigasyon, mas mabilis y’ung pagkaso, at hindi tayo ma-distract… Ang problema sa ICI, sila mismo ang nagsabi na ‘kulang kami sa power.’ Pati sila napagbibintangan na sa direksyon,” sabi ni Cayetano.

Ipinahayag ito ni Cayetano matapos tiyakin ni Pangulong Marcos na “committed” ang gobyerno na siguraduhing may pondo ang imbestigasyon, kasunod ng ulat na hindi pa naaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo ng ICI.

Ayon kay Cayetano, magandang hakbang ang pangakong pondohan ang komisyon ngunit hindi sapat ang suporta sa pondo lamang.

Hinikayat niya ang Kongreso na ipasa ang panukalang inihain ni Senate President Vicente Sotto III na layong gawing permanente at non-partisan ang ICI bilang anti-corruption body na may mas malawak na kapangyarihan.

“Kailangan focused tayo… The law must make it faster, focused, and truly independent,” wika ni Cayetano.

Iminungkahi rin niyang palawakin ang representasyon sa loob ng komisyon sa pamamagitan ng pagsama ng mga kinatawan mula sa oposisyon at faith-based groups upang mapanatili ang pagiging independent, tulad ng modelo sa US.

“Sa US, kapag independent or special counsel ka, ang pera mo at gagawin mo ay independent ka talaga,” dagdag pa niya.

Ipinanukala rin ni Cayetano na bigyan ng contempt powers ang ICI upang mapilit ang kooperasyon ng mga saksi sa imbestigasyon, nang hindi lumalabag sa constitutional rights.

“Isipin mo kung… may hearing pero walang contempt power. E ‘di walang pumansin,” aniya.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *